Makalipas ang sampung taong hindi pagsali, inaasahang babalik ang Pilipinas sa prestihiyosong Tour de Langkawi sa pamamagitan ng continental team na Seven Eleven by Roadbike Philippines.

Ito ang kinumpirma ni Langkawi technical director Jamalludin Mahhjmood sa panayam dito ng istasyong DZSR Sports Radio.

Pinadalhan ng organizers ng pinaka-prestihiyosong karera ng bisikleta sa buong Asia na nasa Hors category ng Union Cycliste Internatinale (UCI) ang imbitasyon ng koponan ng Seven Eleven upang lumahok sa LTd na magaganap sa Pebrero 24 hanggang Marso 2, 2016 sa Malaysia.

Nakuha ang atensiyon ng pamunuan ng LTd ng koponan ng Seven Eleven matapos ang matagumpay na kampanya sa nakaraang Tour de Singkarak, Tour Borneo at iba pang mga international race na nilahukan ng Philippine continental team.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Makakasagupa ng koponan na binuo ni Engineer Bong Sual ang mga pinakamahuhusay na Continental team hindi lamang sa Asia kundi maging ang ibang World Tour squads mula sa Europa.

Huling lumahok ang Pilipinas sa nasabing karera noong 2003- hanggang 2005 sa pamamagitan ng Pagcor Casino Trade Team.

Pangungunahan ang pagpadyak ng 7Eleven, Road Bike Philippines, Selecta, Pocari, Gatorade, URC, Practor and Gamble at Nature’s Spring ni dating SeaGames gold medalist Mark Galedo.

Ayon kay Team Director Ric Rodriguez, posibleng mag-recruit pa sila ng karagdagang limang local rider upang makasama sa 11-man team na kinabibilangan nina Spanish rider Edgar Nieto at Australian Jesse James Ewart.

Ngunit bago sumabak sa Langkawi, lalaban pa si Galedo kasama ng dalawang teammate sa national team sa Japan Asian Championships. (Marivic Awitan)