Ipinatigil muna ng Department of Environment and National Resources (DENR) ang pagpuputol ng puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa lungsod ng Maynila.
Sa ginanap na forum nitong Miyerkules, Mayo 27, sinabi ni DENR Acting Sec.Juan Miguel Cuna na pag-aaralan muna nila nang husto ang pagpuputol sa mga puno.
“Right now, ‘yong cutting, I voluntarily stopped and we’re agreeable to this. Itigil muna, pag-aralan pa nang husto, baka may mga maidagdag pa doon sa earth-balling," saad ni Cuna.
Ayon sa kaniya, kailangan umanong balansehin ang pag-unlad at pangangalaga sa kalikasan. Ngunit iginiit pa rin niya ang reyalidad na masasakripisyo ang kalikasan sa pagtatayo ng mga imprastruktura.
“Kaya nga na-coin ‘yung term na sustainable development dahil kinikilala po natin na for our economy to grow and improve, kailangan ng development. Wala po tayong magagawa doon,” anang DENR Acting Secretary.
Dagdag pa niya, “Pero kahit na itong development ay kailangan natin gawin, kinakailangan ng ating bansa, on the other side hindi po natin pwede kalimutan ang environmental protection at kung ano ang impact nitong mga development sa ating komunidad.”
Matatandaang umani ng batikos ang DENR matapos nilang aprubahan ang pagpuputol ng puno sa Quirino Avenue, Maynila para bigyang-daan ang konstruksyon ng Southern Access Link Expressway Project (SALEX).
Maki-Balita: Caritas PH, tinawag na 'ecological violence' pagpuputol ng puno sa Quirino Avenue
Sa katunayan, dinogshow pa nga ng isang visual artist ang logo ng ahensya dahil sa halip na tumupad sa mandato nito na pangalagaan ang kalikasan ay tumutulong pa sa ikakasira nito.
Maki-Balita: ‘Destroying Environment and Natural Resources?’ Visual artist, dinogshow logo ng DENR