QUEZON, Nueva Ecija - Nabahiran ng dugo ang masayang inuman ng isang grupo ng melon farm workers makaraang masabugan ng pinaputok na improvised PBC boga ang mukha ng isang 16-anyos na lalaki sa Barangay Sta. Rita sa bayang ito, nitong gabi ng Disyembre 10.

Kinilala ng Quezon Police ang nasawing si Christian Agpalo y Esquejo, tubong Bgy. Cajiel, Diffon, Quirino, at kasalukuyang nakatira sa nasabing lugar.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Rodelo DC Rivera, dakong 11:30 ng gabi at masayang nakikipag-inuman si Agpalo sa kapwa farm workers na sina Mar Esquejo y Balisa, 18; Jesstonie Esquejo y Balisa, 24; isang 16-anyos na lalaki; at isang babae nang makatuwaan nilang paglaruan ang nasabing improvised PBC firecracker (boga) at paputukin ito.

Aksidenteng nasapol sa mukha ang binatilyo, na agad na nasawi.

Probinsya

9-anyos na bata, patay sa rabies; aso, kinatay at kinain pa ng 30 katao

Dinala ng pulisya ang magkakasamang nag-inuman at isang Angelo Viernes sa Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office (NEPCLO) para isailalim sa paraffin test at matukoy kung sino ang nagpaputok ng nasabing boga.

(Light A. Nolasco)