TINANONG ang direktor, scriptwriter at mga bida sa grand presscon ng The Beauty and The Bestie kung bakit ito muna ang dapat panoorin ng moviegoers kumpara sa ibang entries sa MMFF.
“Sinabi ko ito sa Star Cinema, nu’ng ginagawa ko ito, parang thesis, parang mayroon kang patunayang ipasa, so base do’n sa na-edit, nalagyan ng music at sa kinunan namin hanggang kanina, parang feeling ko, uno ang makukuha ko (grade). Sa akin kasi, parang na-master na ng Star Cinema, ng Viva (Films), namin ‘yung pampamilya, na kapag Pasko, wala kang itatapon, ito ‘yung ipangreregalo mo, sulit na sulit at matutuwa ‘yung bibigyan mo, ililibre mo ng sine.
So feeling ko, nandito lahat, hard action, susme, ilang kotse ‘yung itinumba namin at pinasabog sa ending. In short, hindi namin tinipid this time ‘yung lahat-lahat. Kung hard action, kung comedy, kung drama walang pagtitipid na naganap kaya umiiyak po ngayon (ang producers), ha-ha-ha,” sagot ni Direk Wenn Deramas.
Ayon naman sa sumulat ng script na si Ms. Mel del Rosario, buwis-buhay ang pagkakagawa ng pelikula dahil sa foreign films lang ginagawa ito na kapag napanood daw ay mapapatambling ka at pagbagsak ay naka-split sa ganda.
Sagot naman ni Vice Ganda, “Hindi ko kasi alam kung lahat ng tao ay may P560, so kung P280 lang ang pera mo, ito na lang ang panoorin mo. Sa hirap ng buhay kasi, tayo kaya nating manood ng pelikula, pero sa dami ng mahihirap na tao sa Pilipinas at maaaring P300 lang ang nailaan sa filmfest, sigurado ako na kapag sinabi ko sa kanilang, ‘ito ang panoorin mo’ hindi ako mapapahiya at hindi nila iiyakang may nasayang silang P280 pesos kasi ‘yung management ang nagsabi at nagpalakas ng loob ko na, ‘this is my best movie ever.’
“Management ang nagsabi at hindi naman siguro ako eechosin ng management. Alam ko kung gaano kahirap ang buhay, alam ko kung gaano kahirap ang mga Pilipino ngayon at alam ko kung gaano sila mapapasaya ng pelikulang ito, kaya ito ang dapat una nilang panoorin at alam kong hindi ako nagsisinungaling kaya ito ang unahin ninyong panoorin.”
At siyempre, ang Primetime King ng ABS-CBN na si Coco Martin, “Sa mga pelikulang nagawa ko at base sa napanood ko habang nagda-dubbing ako kanina, kumpleto recados po kasi itong pelikula. Unang-una, sa action, pinagkabuhusan po namin ito, hindi ito tinipid. Honestly, bilib ako kay Vice kasi may mga stunt kaming ginawa rito na nu’ng matapos naming gawin ay saka ko na-analyse kung bakit namin ginawa.
“Sabi ko nga, sa totoong buhay kapag nakasabit ka sa helicopter kadalasan kasi kino-croma ‘yan o dinadaya, pero kami may isang bagay na sobrang excited kami na hindi kami nag-inarte na baka mamatay kami. Kaya sa sobrang excited naming gawin, nagawa namin, pero pag-uwi ko ng bahay, doon ko naisip na, ‘bakit namin ginawa ‘yun, puwede namang magdobol o puwedeng dayain’ siguro ‘yung dedication.
“Bukod doon sa action, pagdating sa comedy, first time kong nakita kung gaano kagaling sina MC at Lassy at kapag nagtulung-tulong. Bilang artista habang pinapanood ko sila (MC, Lassy at Vice), tawa ako nang tawa na parang hindi sila umaarte, parang walang script na nangyayari kasi napakanatural ng pagkaka-deliver nila.
“In terms of kilig naman, siyempre ‘yun ‘yung malaking tulong ng JaDine (James Reid at Nadine Lustre), siyempre ‘yung romance na hindi naman namin maibibigay ni Vice, ha-ha-ha. Nai-deliver siya ng JaDine, magandang mai-share ito sa manonood. Kaya kung mayroon kang maisasama po sa December 25, ito ‘yung puwede mong isama ang buong pamilya mo.”
Hmmm, actually, Bossing DMB, ito talaga ang uunahin kong panoorin sa December 25 dahil ang anak naming si Patchot ay gustung-gusto si Vice na talagang humahalakhak kapag napapanood niya sa Gandang Gabi Vice. (Reggee Bonoan)