URBIZTONDO, Pangasinan – Isang dating barangay kagawad sa Urbiztondo, Pangasinan ang napatay habang sugatan naman ang misis niyang incumbent kagawad makaraan silang pagbabarilin sa Barangay Bayaoas Road.

Ayon sa report ni Supt. Ferdinand “Bingo” de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, kinilala ang mga biktimang sina Violeto Magalong Quitaleg, alyas “Julie”, 44, may asawa, dating kagawad ng Bgy. Gueteb; at Lorna Arambulo Quitaleg, 50, halal na kagawad ng Bgy. Gueteb.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang mag-asawa at nagawa pang maisugod sa ospital si Lorna, habang agad namang nasawi si Violeto.

Sinabi ng mga imbestigador na dakong 10:40 ng umaga nitong Disyembre 9 nang mangyari ang pamamaril sa Bgy. Bayaoas Road sa Urbiztondo.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Minamaneho ni Violeto ang isang tricycle at pasahero niya ang asawa at apat na iba pa pauwi sa Bgy. Gueteb nang bigla silang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek na magkaangkas sa isang pulang Honda Wave motorcycle.

Hinihinalang .45 caliber pistol ang ginamit ng mga suspek sa pamamaril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen. (LIEZLE BASA IÑIGO)