‘Tila buhawi na iniuwi ng Foton Tornadoes ang kauna-unahan nitong titulo matapos nitong walisin sa loob ng tatlong set lamang ang nagtatanggol na kampeong Petron Blaze Spikers, 25-18, 25-18 at 25-17 sa dinumog na matira-matibay na Game 3 ng 2015 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix sa Cuneta Astrodome.

Ginulantang ng Tornadoes sa loob lamang ng 1:19 minuto ang nakaharap na Blaze Spikers mula sa mainit nitong pagsisimula na nagtuloy-tuloy hanggang sa ikatlong set upang magtala ng kasaysayan na tanging nakapagwalis sa kampeonato upang tanghalin na ikatlong koponan lamang sa liga na nakapag-uwi ng korona.

Pinangunahan ni Lindsay Stalzer ang Tornadoes na may 20-puntos tampok ang 18 sa kills at 2 blocks habang nag-ambag ang kapwa nito import na si Kattie Messing ng 14-puntos mula sa 12 kills at 2 service ace. Tumulong din si Jaja Santiago ng 11-puntos habang may tig-anim si Kayla Williams-Tiangco at Angeli Pauline Araneta.

Mistulang malakas na hangin na agad umalagwa ang Tornadoes sa unang set sa pagtatala ng 10-5 abante na unti-unti nitong sinandigan upang tapusin ang laban sa loob ng 25 minuto, 3-0. Matapos nito, ay nagpatuloy ang pagliliyab nito sa ikalawang set upang itala ang 2-0 abante sa loob ng 29 na minuto.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

Hindi na napigilan pa ang tila tigre at uhaw sa korona na Tornadoes sa ikatlong set kung saan agad nitong itinala ang 8-4 abante na iniangat nito sa pinakamalaki na 14-8 abante upang tuluyang hubaran ng korona ang dalawang beses na tinaghal na kampeong Blaze Spikers.

Nagpilit pa na maghabol ang Blaze Spikers na nagawang dumikit sa 15-18 bago na lamang umatake si Messing para iangat ang Tornadoes sa 19-15 na sinundan nito ng dagdag na dalawang puntos upang tuluyang siguruhin na ang pagsungkit sa kanilang pinakaunang titulo.

Isang overset ng Blaze Spikers ang sinandigan naman ni Ivy Perez na nagtala ng 16 excellent sets upang itulak nito ang bola sa walang katao-tao na puwesto malapit lamang sa referee upang ihulog ang pinakahuling puntos sa saliw ng malakas na hiwayan ng 9,000 kataong nanood.

Bunga ng panalo ay nakamit ng Foton ang pagiging representa ng bansa sa gaganapin naman na Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Club Volleyball Championships at posibleng sa World Club Women’s Volleyball Championships na gaganapin kapwa sa 2016. (ANGIE OREDO)