Pinagharian ng St. Louis High School mula sa Baguio City at AMA-Quezon City ang dalawang nakatayang dibisyon sa naging maigting na kampeonato ng 1st Best Center-FIBA 3x3 basketball tournament sa Ateneo Blue Eagle Gym.

Tinanghal ang Giants mula St. Louis High School sa Baguio City bilang pinakaunang 15-and-Under champions sa bagong tatag na liga na binuo at isinagawa para suportahan ang pagnanais ng International Basketball Federation o FIBA na palawakin at palakasin ang “street basketball” upang maging isang Olympic sport sa 2016.

Kabilang sa Giants sina Luis Emmanuel Lising, Antonio Abriol, Magnus Gabriel Ines at Angelo Cashio. Ikalawa ang Meteors ng De la Salle-Zobel na binubuo nina Prince Arthur Gaiser II, Philip Charles T. Gatmaytan, Ronald Rey Santos at Jude Emmanuel Codiñera, anak ni dating Philippine Basketball Association (PBA) player Jerry Codiñera.

Ikatlo ang The Force ng San Francisco High School na binubuo nina Sebastian Lesley Dominique Dait, Marvin Perin, Isaiah John Banato at Maoi She Vidad na kumatawan sa Lamut, Ifugao ng CAR.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binubuo naman ang Sharks ng AMA-QC nina Kylie Rivera, Jethro Ortinalla, Jefferson Magpayo at Manuel Robles na tinanghal na kampeon sa 12-and-Under. Tinalo nito ang sister team na AMA-QC Bulldogs na kinabibilangan nina Tristan Amon, Khalijan Diologo, Lih Ambrose dela Cruz at Ren Cobie Tolentino.

Pumangatlo ang Roosters ng De La Salle-Greenhills na binubuo nina Victorino Torres III, Mark Angelo Torrijos, Javier Luis Jugo at Jenji Duremdes, anak naman ni dating PBA Most Valuable Player na si Kenneth Duremdes.

Umabot sa 500 players na kabilang sa 128 koponan sa dalawang dibisyon ang lumahok sa torneo na inorganisa ng Basketball Efficiency and Scientific Training (Best) Center, ang pioneering Philippine group na nagtuturo sa mga bata ng basic at advanced rudiments ng basketball, sa pakikipagtulungan sa Milo Ready to Drink kasama ang Freego at Rain or Shine. (Angie Oredo)