NANIWALA kami sa sinabi ni Diether Ocampo na hindi na siya sanay dumalo sa presscon at humarap sa press. Dahil sa presscon ng Season 5 -Batch 2 ng Wattpad Presents, napansin naming na habang nasa presidential table siya, kasama ang ibang cast ng four new episodes, madalas namin siyang makitang nakatungo at hindi tumitingin sa press people at sa photographers.

“Hindi na ako sanay mag-presscon, two and a half years akong hindi umaarte. Magbabalik na sana ako sa teleserye ng ABS-CBN, hindi lang natuloy dahil nagbuntis si Judy Ann (Santos). Kaya sobra akong grateful sa TV5 at kay Ms. Wilma Galvante for the opportunity to work with some actors na hindi ko pa nakakatrabaho. First time ko rin to work with Direk Philip Lazaro. This is a good opportunity for me at ‘di ko palalagpasin,” sabi ni Diether.

Nilinaw ni Diether na he’s still with ABS-CBN, pero habang wala pa siyang ginagawang show, nag-offer ang TV5, nagustuhan niya ang project, kaya tinanggap niya.

Si Diether, kasama sina John James Uy at Ritz Azul ang mga bida sa Wicked Ways episode na airing sa November 23 to 27, 9 PM, sa TV5.

Tsika at Intriga

Gretchen kumain ng 'piattos' habang pinanonood si PBBM: 'The New Teleserye'

Tampok din si Diether sa Seducing Mr. Wrong episode kasama si Sam Pinto na mapapanood naman sa December 14 to 18.

Ang hindi pa malinaw ay kung makakasama si Diether sa cast ng teleserye na gagawin ni Claudine Barretto sa TV5 kasama si Jasmine Curtis-Smith. Panibagong negosasyon yata ang mangyayari.

“Sa panahon ngayon, kung may trabahong dumating at kung maayos ang pag-uusap, walang magiging problema. Walang masamang tinapay sa akin. Kailangan lang mutual decision between the management and the artist,” pagtatapos ni Diether. (NITZ MIRALLES)