Dagsa na ang mga nagpaparehistro sa online registration para sa 2015 Philippine National Games (PNG) Visayas leg elimination na lalarga mula Nobyembre 10 hanggang 14 sa iba’t ibang lugar sa San Jose, Antique.

Ang kompetisyon ay para sa mga kabataang atleta sa Visayas region na may edad 15 pataas at inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) kabalikat ang Philipine Olympic Committee (POC), Department of Education (DepEd) at Department of Interior and Local Gov’t (DILG).

Personal na pinamumunuan ng kanilang Gobernadora na si Rhodora J. Cadiao ang pagsasaayos at preparasyon ng host province upang masiguro na magiging maayos at kaaya-aya ang pananatili ng inaasahang libu-libong atleta na darating sa lalawigan para sa kompetisyon.

Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ang PNG ng mga regional qualifying tournaments dahil hangad nina PSC chairman Ricardo Garcia at project director at commissioner Jolly Gomez na makatuklas pa ng mga atleta sa ibang lugar na may kakayahan na mapabilang sa national pool.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Ang Visayas leg ang huling regional elimination ng PNG kung saan ang mga magwawagi ng medalya ay isasama sa mga medal winners ng ginanap na Luzon at Mindanao qualifying tungo sa National Finals na gagawin naman sa Manila sa susunod na taon.

Makakalaban ng mga nag-qualify na mga athletes ang mga kasapi ng national pool at kung talunin nila ang mga ito ay may posibilidad na mapasok sila sa national training pool.

Suportado naman ni Cadiao ang adhikaing ito ng PSC at nais din nilang maipakita sa lahat ang kakayahan ng kanyang nasasakupan na makapagdaos ng mga malalaking multi-sports events gaya ng PNG.

May kabuuang 13 sports ang paglalabanan sa apat na araw na kompetisyon na magbubukas sa Evelio B. Javier Memorial Sports Complex na magsisilbi ring venue para sa athletics, taekwondo at weightlifting.

Ang archery at karatedo ay isasagawa sa Antique National School field, habang ang badminton ay idaraos sa St. Anthony’s College, ang boxing sa Macapagal Arroyo Stadium, ang chess sa DepEd Rooftop, ang billiards sa San Jose Billards Hall, ang arnis sa Delegate Angel Salazar Elementary school, ang swimming sa Binirayan Swimming pool, ang pencak-silat sa University of Antique (Sibalon) at ang muay thai sa Assemblyman Segundo Muscoso Memorial School.

(ANGIE OREDO)