Tumatag ang pag-asa ng natatanging babaeng BMX rider ng Pilipinas na si Sienna Fines na makatuntong sa 2016 Rio De Janiero Olympics matapos nitong iuwi ang gintong medalya sa ginanap na 2015 Women Juniors Asian BMX Championships - Continental Championships sa Nakhon Ratchatisima, Myanmar.

Tinalo ng 17-anyos na si Fines, na mula sa Sta. Maria, Ilocos Sur at lumaki sa Sacramento, California ang walong iba pa sa tatlong round na labanan upang iuwi ang gintong medalya sa Junior Women’s division kasama na ang pinaglalabanan na importanteng Union Cycliste International (UCI) na 60 puntos.

Pumangalawa kay Fines na nagbabalik mula sa injury ang Thailand national na si Chutikarn Kitwanichsatien na iniuwi ang 50 puntos habang ikatlo si Khiwg Zin Moe ng host Myanmar na may 40 puntos.

Ikaapat si Yan Wang ng China na may nakuhang 30 puntos, ikalima hanggang ikapito ang mula Indonesia na sina Crismonita Dwiputri (25), Cupi Nopianti (20) at Regina Patricia Panie (15). Ikawalo si Chanyuan Lyu ng China (10) at ikasiyam si Tifania Adien Almira Azaria na walang nakuhang puntos.

Philippine Dragon Boat Team, sumungkit ng 8 ginto sa World Championship!

Kinukumpirma naman ng PhilCycling kung ang panalo ni Fines ay awtomatikong makapagbibigay dito ng silya sa nakatakdang pagsali at opisyal na pagdagdag sa BMX bilang regular na sports sa Olimpiada.

Bunga ng kanyang panalo ay umangat sa ika-35 puwesto mula sa dating kinauupuan na 36 silya si Fines na may natipon nang 100 puntos.

Nangunguna sa rankings ang 17-anyos na si Axelle Etienne ng France na may 795 puntos kasunod si Ruby Huisman ng Netherlands (525) at Yaroslava Bondarenko ng Russia na may 525 puntos.

Nasa pangkalahatang ika-20 puwesto naman mula sa dating 21 silya ang Pilipinas sa Nations Ranking na may 100 puntos. Kinakailangan ng Pilipinas na makuha ang unang puwesto sa Asya upang masiguro nito na makakapagsali ng isang riders sa Olimpiada.

Kasalukuyang hawak ng Thailand ang unang puwesto sa Nations Ranking kung saan ang tinalo ni Fines na si Chutikarn Kitwanichsatien ay may kabuuang 105 na puntos.

“I want to be a top Elite Woman when the time comes. And now that I’m of age, I’m going to turn so I can get the experience I need to help me become so. My ultimate goal is to represent my country—the Philippines—in the Olympics,” sabi lamang ni Fines, na kabilang sa dati nitong grupo na Bay Area BMXers. (ANGIE OREDO)