Mapanganib ang paglanghap ng usok mula sa sunog.
Ito ang babala ng grupong EcoWaste Coalition kaugnay ng paggunita sa Fire Prevention Month ngayong Marso.
“Smoke from fires, which is made up of chemicals and particles from burning materials, is hazardous to health and should be avoided,” sinabi ni Aileen Lucero, coordinator ng environmental watchdog na EcoWaste Coalition.
Paliwanag ni Lucero, depende kung ano ang nasusunog, na kalimitan namang kumbinasyon ng pinaghalong combustible materials, ang usok ay maaaring makapagpalala ng problema sa kalusugan, partikular na sa mga paslit, matatanda at mga may sakit sa puso at baga, maging sa mga sensitibo sa kemikal.
Nabatid na nagbabala ang grupo bilang suporta sa fire safety campaign ng Department of Interior and Local Government-Bureau of Fire Protection (DILG-BFP).
Nababahala rin ang EcoWaste dahil napapansin nilang sa mga lugar na may sunog ay maraming tao ang nag-uusyoso at nalalantad ang mga ito sa panganib na hatid ng usok nito.
Ayon kay Lucero, bukod sa carbon dioxide, carbon monoxide at dust particles, ang usok ay maaari ring magtaglay ng iba’t ibang uri ng air pollutants, kabilang na ang acid gases, benzene, heavy metals, nitrogen oxides, polycyclic aromatic hydrocarbons, sulfur dioxide at persistent organic pollutants, tulad ng dioxins, na nabubuo sa pagkasunog ng mga may taglay na chlorine.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang air pollutants ay iniuugnay sa iba’t ibang malalang problemang pangkalusugan, tulad ng impeksiyon sa baga, sakit sa puso at lung cancer.
Ang pagkalantad sa usok ay may agarang epekto na gaya ng pag-ubo, pagsakit ng lalamunan, iritasyon sa sinus, pananakit ng ulo, pagkahilo, pagbabara ng ilong at pagluluha ng mata.