Naikuwento ko noon sa aking anak na dalagita kung gaano kaganda ang probinsiyang aking sinilangan – ang isla ng Dumaguete. Inilarawan ko sa kanya ang aming lugar na mayroon kaming luntiang sakahan ng mani at petsay na nasa likod lamang ng aming bahay. Naku, nanlaki ang mga mata ni Lorraine sa aking kuwento at kinulit akong magtungo kami roon isang bakasyon. Kaya nag-ipon ako ng pamasahe para sa aming dalawa at nang magkaroon kami ng pagkakataon, nagtungo kami sa pinakamamahal kong probinsiya.
Ngunit nang marating namin ang sakahan ng aking ama, naiba ang istorya. Maitim pa sa uling ang mga panananim sa malaking bahagi ng sakahan. Maraming linggo nang nakararaan nang aksidenteng tinamaan ng kidlat ang isang puno na agad na nagliyab at tumumba sa taniman; nadamay ang mga panananim at mga kalapit na puno. Huli na nang maapula ng mga kagawad ng barangay ang apoy. Laking panghihinayang sa maaari sanang pakinabangang mani at petsay. Iyon ang larawang sukdulan ang kapangitan.
Habang nagmamasid kami sa sakahan, napayuko si Lorraine at malapitan siyang nakakita sa lupa ng umuusbong na halamang mani. May mga damo ring nagsisimula nang tumubo. Ito ang mga tanda ng bagong buhay. Hindi pala nagapi ng kamatayan ang buong sakahan ng kanyang lolo.
Minsan, hindi natin namamalayan na ganoon din ang pagtrato natin sa ating kapwa Kristiyano. Habang nakatingin tayo sa kanila, hindi natin maalis ang kaakibat nilang imahe bago nila nakilala ang Diyos. Nakatuon lang tayo sa kanilang nakalipas. Ngunit kung kikilalanin natin silang mabuti, naroon ang masidhing pagnanais na mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos, ang pagnanasang magkaroon ng bagong buhay. Masasaksihan natin ang kanilang paglago sa Espiritu.
Kapag nakakasalamuha natin ang ating kapwa Kristiyano, huwag nating tingnan ang maiitim na karanasan ng dati nilang pamumuhay. Sa halip, ipagdiwang at pagtibayin natin ang kapanapanabik na bagong paglago sa kanilang buhay.