Patay ang anim na katao matapos umanong magpaputok ang isang 14-anyos na binatilyo sa isang paaralan sa Nonthaburi province, Thailand noong Biyernes, Agosto 7, 2026.
Ayon sa pulisya, tatlong estudyante at tatlong guro ang nasawi sa pamamaril sa Debsirin Nonthaburi School, habang higit 20 iba pa ang sugatan. Siyam sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon pa sa mga awtoridad, kasama sa mga nasugatan ang mga nagtamo ng tama ng bala sa likod, dibdib at mga braso.
Ang pinakabatang nasawi ay 12-anyos, habang karamihan sa mga biktima ay mga menor de edad na nasa edad 12 hanggang 17.
Bago umano ang pamamaril sa paaralan, pinaniniwalaang pinatay ng suspek ang kaniyang lolo at lola sa kanilang tahanan.
Matapos ang pag-atake sa paaralan, sinasabing nagpakamatay din umano ang suspek nang barilin niya ang kaniyang sarili.
Gamit umano ng suspek ang handgun na pag-aari ng kaniyang lolo nang pasukin nito ang paaralan at magpaputok.
Sa mga kuhang video mula sa loob ng paaralan, makikitang nagsiksikan at nagtago sa ilalim ng mga mesa ang mga estudyanteng natakot habang naririnig ang sunod-sunod na putok ng baril.
Makikita rin sa iba pang video ang mga estudyanteng nagmamadaling lumabas ng paaralan habang tinutulungan sila ng isang staff na lumikas.
Nabatid na nakatira ang suspek kasama ang kaniyang mga lolo at lola at hindi kasama ang kaniyang mga magulang.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano niya nakuha at nagamit ang baril.