Hiniling ng mga consumer sa price monitoring team sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela (Camanava) area na bantayan ang pagsirit ng presyo ng isda, lalo ngayong nalalapit na ang Semana Santa.
Ayon sa report, bagamat may isang buwan pa bago ang Holly Week ay tumaas na ang demand sa isda sa mga pantalan sa Malabon at Navotas.
Nitong Enero at Pebrero ay kakaunti ang huli sa isdang dagat, gaya ng galunggong, dalagang bukid, tambakol at hasa-hasa, dahil sa taglamig pero bumalik na sa normal ngayon ay inaasahang sasamantalahin ng mga biyahero na itaas ang presyo ng mga ito.
Naging mabili ang tilapia, na nasa P100 ang kada kilo habang ang bangus naman ay nasa P120 ang kilo.
Ang galunggong ay P130 ang bawat kilo, ang dalagang bukid ay P220 kada kilo habang ang hipon ay nasa P330 ang per kilo.
Inaasahan na tataas ang presyo ng isda sa P20-30 kada kilo, dahil malapit na ang Mahal na Araw, habang mananamlay naman ang demand sa karneng baboy at manok, bilang pag-aayuno ng mga Katoliko tuwing Holy Week.
Giit ng mga consumer, dapat na bantayan ang pagtaas ng presyo ng isda at patawan ng karampatang parusa ang mga mapagsamantalang negosyante.