KAUGNAY ng pagdiriwang ng World Wetlands Day, ipinagdiriwang ng Pilipinas tuwing Pebrero 2 ang National Wetlands Day, sa pamamagitan ng mga programa na magsusulong ng pangangalaga sa yamang-tubig. Ang Department of Environment and Natural Resources, bilang tagapamunong ahensiya, at ang mga katuwang nito ay magdaraos ng mga aktibidad upang bigyang-diin ang kahalagahan ng yamang-tubig sa tao, itaguyod ang pangangalaga rito at ugaliin ang ilang hakbangin na magmamantine sa biodiversity.
Ang Wetlands Day ay pagtanggap sa Convention on Wetlands o Ramsar Convention noong Pebrero 2, 1971 sa lungsod ng Iran na Ramsar. Ang kombensiyon, isang intergovernmential treaty na nilagdaan ng mahigit 150 miyembrong bansa, ay ang istruktura para sa pambansang pagkilos at pandaigdigang pagtutulungan para sa pangangalaga at tamang paggamit ng mga yamang-tubig at pinagmumulan ng mga ito. Ang Pilipinas ang ika-119 contracting party sa kombensiyon.
Ang tema para sa 2015 ay “Wetlands for Our Future,” binibigyang-diin na ang kinabukasan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa yamang-tubig at sa napakaraming pakinabang dito, katulad ng pag-iwas sa baha, pagtiyak na ang lupa ay sagana, pagbibigay ng tirahan sa mga hayop, pagdadalisay ng tubig sa pamamagitan ng pagsasala, pagbibigay ng pagkain at kabuhayan, magsisilbing panangga upang maprotektahan ang mga baybayin at maibsan ang climate change.
Ang araw ay magsisilbing mainam na paraan upang isulong ang kamulatan ng publiko sa kahalagahan ng yamang-tubig at mga pakinabang nito, maging ang pangangalaga sa mga ito. Unti-unti nang naglalaho ang yamang-tubig; base sa datos, 64 na porsiyento ng tubig ay wala na sa mundo. Nagbigay ng materyales para sa mga gobyerno, non-government organizations, conservation groups at publiko ang Swiss-based Ramsar Convention Secretariat upang ipaalam sa mga tao ang kahalagahan nito sa kalikasan.
Kabilang sa mga aktibidad sa Pilipinas ang mga lecture at seminar, nature walks, art contests, paglilinis sa komunidad at mga daungan, karera ng mga bangka, photo contests, mountain climbing at pagtatanim ng puno. Sa mundo, hinihimok ng Ramsar Convention na maging aktibo ang kabataan, may edad 15-24, at makialam sa mga usaping pang-kalikasan at maranasan ang magkaroon ng yamang-tubig sa pamamagitan ng photo contest alinsunod sa tema ngayong taon.
Limang lugar sa Pilipinas ang tinukoy bilang “Wetlands of International Importance” o Ramsar Sites ng Ramsar Convention on Wetlands dahil sa kahalagahan ng mga ito na ecological, botanical zoological, limnological at hydrological. Ang mga ito ay ang Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Mindanao, Naujan Lake National Park sa Oriental Mindoro, Olango Island Wildlife Sanctuary sa Cebu, Tubbataha Reefs National Marine Park, at Puerto Princesa Underground River sa Palawan. Ang The Ramsar List ay binubuo ng 2,062 lugar sa mahigit 191 ektarya sa buong bundo.
Ang yamang-tubig, natural man o gawa ng tao, ay mga lugar na permanente o madalas na binubuo ng tubig para sa vegetation. Kabilang sa mga natural sa yamang-tubig ay ang sapa, bukal delta, oases, estuaries, peatlands, bakawan at bahura, habang ang gawa ng tao ay ang mga palaisdaan, sakahan, dam at salt pans. Ito ang iba’t ibang tirahan na lubhang mahalaga para sa biodiversity