Tinalakay sa ikalabing-apat na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang Audit Observation Memorandum (AOM) ng Commission on Audit (COA) sa liquidation ng confidential funds sa Department of Education (DepEd).
Sa nasabing paglilitis nitong Martes, Agosto 11, binanggit ni Xylene Del Ocampo ang tungkol sa humigit-kumulang na 2.54 milyong intelligence information kaugnay sa umano’y car loan scam na karamihan sa mga biktima ay tauhan ng DepEd.
Si Del Ocampo ay nagsisilbing state auditor sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO).
"'Yon pong accomplishment report nila, mayro'n po silang binayad for purchase of information related do'n sa car loan scam na hindi kasama do'n sa enumeration at hindi intended to support the mandate of the operation of the Department of Education,” anang state auditor.
Ayon kay Del Ocampo, ito raw ang dahilan kung bakit kasama ito sa AOM. Ang nabanggit na dokumento ay ipinapadala ng mga COA auditor sa mga pinuno ng ahensya ng gobyerno.
Ito ay naglalaman ng mga natuklasang financial o operational deficiencies, errors, o kaya naman ay missing documents na nangangailangan ng pormal na tugon.