August 11, 2026

Home BALITA

Usec. Castro, may naiisip kung sino nasa likod ng pagpapakalat ng mga ataul sa Metro Manila

Usec. Castro, may naiisip kung sino nasa likod ng pagpapakalat ng mga ataul sa Metro Manila
Photo courtesy: RTVM/YT, MPD


Tahasang ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mayroon daw siyang naiisip hinggil sa nasa likod ng mga inabandonang kabaong sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kamakailan.

Matatandaang kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Biyernes, Agosto 7, na aabot sa limang kabaong ang natagpuan mula sa iba’t ibang parte ng National Capital Region (NCR), batay sa kanilang paunang imbestigasyon.

Ayon sa kanila, namataan ang mga nasabing ataul sa Sta. Cruz, Manila; Brgy. 54, Caloocan City; Brgy. South Triangle, Quezon City; Brgy. Sta. Teresita, Quezon City; at Gil Puyat, Makati City.

MAKI-BALITA: Misteryosong mga kabaong, namataan sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila!

Sa ikinasang press briefing ng PCO nitong Martes, Agosto 11, gayong may personal daw siyang naiisip, hindi naman daw ito mahalaga sa ngayon.

“Mayroon…personal, siyempre may naiisip ako. Pero, hindi importante ngayon kung ano ‘yong naiisip ko,” saad ni Usec. Castro.

Sinagot din ng press officer ang tanong ukol sa kasalukuyang estado ng imbestigasyon hinggil sa nasabing pangyayari.

“Ang pinakahuli ko po na nalaman ay under investigation ng [Philippine National Police] PNP, at hindi po nila ikinasisiya ‘yong mga ganitong klaseng mga gawain,” anang press officer.

“Kahit nga sinabi natin na mayroong lahat tayong freedom of expression, pero depende po kung ano ang inyong ipapahiwatig, kung mayroon bang pang-aabuso, o mayroon bang pananakot—kaya po ‘yan ay iniimbestihan ng PNP,” ani Usec. Castro.

Matatandaang siniguro ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez, Jr. na iimbestigahan nila ang napaulat na mga abandonadong kabaong.

MAKI-BALITA: Nartatez, tiniyak masusing imbestigasyon sa mga inabandonang ataul sa Metro Manila-Balita