Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Biyernes, Agosto 7, na aabot sa limang kabaong ang natagpuan mula sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR), batay sa kanilang paunang imbestigasyon.
Ayon sa NCRPO, namataan ang mga nasabing ataul sa Sta. Cruz, Manila; Brgy. 54, Caloocan City; Brgy. South Triangle, Quezon City; Brgy. Sta. Teresita, Quezon City; at Gil Puyat, Makati City.
Anang pulisya, pinaniniwalaang intensyonal na inabandona ang mga kabaong ng mga indibidwal na nakasuot ng mask—lulan ng gray at puting van dakong 2:00 ng madaling araw hanggang 4:00 ng madaling araw.
Ang mga iniwang ataul ay naglalaman ng mga mensahe laban sa bansang China, at maging sa Communist Party of the Philippines - New People’s Army (CPP-NPA), ayon sa NCRPO.
“NCRPO is treating these incidents as deliberate acts intended to attract attention, provoke public reaction, and possibly create unnecessary alarm. Police units across Metro Manila have been directed to strengthen vigilance and prevent any similar occurrence while the investigation continues,” saad ng NCRPO sa kanilang pahayag.
Anila, “The public is urged to remain calm, refrain from circulating unverified information, and immediately report any suspicious activity or relevant information to the nearest police station.”
“Those behind these acts will be identified and held accountable under the law,” giit pa nila.