ROME (Reuters)— Magdamag na nagtatrabaho ang rescue teams at 329 katao na ang nahila pataas mula sa nasusunog na barko sa karagatan ng Greece ngunit 149 pa ang naiipit sa barko, sinabi ng Italian navy noong Lunes.
Unti-unting iniaangat ng mga helicopter crew ang mga pasahero mula sa upper deck ng Norman Atlantic, na nasunog noong Linggo ng madaling araw at nagpalutang-lutang sa karagatan sa gitna ng Greece at Italy.
Isang medical team at flight operator ang nasa barko para asistehan ang mga pasahero at crew na nananatili habang nagpapatuloy ang rescue, ayon sa navy.
Ang operation ay pinamamahalaan mula sa amphibious transport ship ng Italian navy na San Giorgio, habang hinihila ang Norman Atlantic padaong sa southern Italian port ng Brindisi.
Isang lalaki ang kumpirmadong namatay noong Linggo at apat pa ang iniulat na nagtamo ng mga pinsala. Ilang pasahero ang inilipad na patungong Galatina sa southern Italy.
Ang Italian-flagged Norman Atlantic, chartered ng Greek ferry operator na Anek Lines, ay lumalayag mula Patros sa western Greece patungong Ancona sa Italy sakay ang 478 pasahero at crew at mahigit 200 behikulo nang ito ay masunog.