Isang senior citizen sa Ramon Magsaysay Ave. sa Sta. Mesa, Manila ang napaulat na naputukan ng ulo matapos umanong holdapin at hablutan ng bag ng hindi pa nakikilalang suspek noong gabi ng Lunes, Agosto 10.
Base sa ulat ng Manila Public Information Office nitong Martes, Agosto 11, natumba ang senior citizen matapos hablutan ng bag, kung kaya't nagtamo ito ng sugat sa ulo.
Ayon naman sa Manila City DRRM Department, tinulungan at nirespondehan ng kanilang medical team ang biktima matapos itong magtamo ng sugat.
Nilapatan nila ng paunang lunas ang sugat ng biktima, at agad ding dinala sa pinakamalapit na pagamutan—kasabay ang pagpapaalam sa pulisya ng mga nangyari.
“Sa nangholdap kay lolo, takbo ka na hanggang may lupa. Pag natunton ka namin sa Maynila, may kalalagyan ka,” mababasa sa ulat ng DRRM department ng lungsod.
Photo courtesy: Manila Public Information Office/FB