Noong isang Linggo, nangaral ang aming kura paroko tungkol sa pakikinig. Sa kanyang homiliya, binanggit niya na ang unang tungkulin ng mga tagapaglingkod ay ang pakikinig sa kanilang kapwa. Tulad ito ng pag-ibig sa Diyos na nagsisimula sa pakikinig sa Kanyang Salita, kaya ang pag-ibig sa ating mga kapatid sa pananampalataya ay nagsisimula sa pakikinig sa kanila.

Sapagkat mahal tayo ng Diyos, hindi lamang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita kundi pati na rin ang pakikinig Niya sa atin.

Ang pakikinig ay isang mahalagang susi sa pagresolba ng mga problema. Kaya nga “hearing” o “pagdinig” ang tawag sa mga paglilitis ng mga kaso dahil sa layuning resolbahin ito. Hindi malalaman ng isang lider ang problema ng kanyang mga tagasunod kung hindi sila magkakaroon ng diyalogo upang dinggin ang karaingan at resolbahin ang mga ito. Gayundin sa malalaking korporasyon na nagdaraos ng departmental meetings upang mabatid agad ng mga kinauukulan nang walang paliguy-ligoy; at kung minsan, doon mismo sa pagtitipon nareresolba ang karamihan sa mga problema. Mahalagang marunong makinig ang mga kinauukulan upang hindi mauwi ang usapan sa di pagkakaunawaan at alitan.

Ang pakikinig sa iba ay mahalaga ngayon sapagkat lumalawak na ang mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon. Malawak din ang pinagmulan nating mga lahi at iba-iba rin ang antas ng ating maturity. Ngunit kung ipakikita natin ang pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng pakikinig, ang pinagsasaluhan nating pananampalataya kay Jesus ay maaaring magbuklod sa ating lahat.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Kung nakasentro lamang tayo sa ating sarili sa pagpapahayag ng ating mga damdamin o pananaw maaaring hindi na natin mapakinggan ang nais sabihin ng ating kapwa. Ang pakikinig ang maaaring pinakamahalaga mong tungkulin ngayon.

Panginoon, turuan mo kaming maging mabuting tagapakinig ng aming kapwa, tulad ng pakininig Mo sa amin.