Umapela ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan sa Eastern Visayas na magparehistro sa gobyerno, sa ilalim ng bagong alien registration project (ARP).
Inilunsad nitong Oktubre, ang ARP ay ipatutupad hanggang sa Setyembre 2015 sa layuning mairehistro ang lahat ng dayuhan sa bansa, makuha ang kanilang biometrics data, at mabigyan ng special security registration number.
Sa naturang programa, mabibigyan ng pagkakataon ang mga dayuhan sa mga benepisyong gaya ng tulong na legal o sa immigration kung mapapagkalooban ng regular status.
Upang makapagparehistro sa ARP, ang mga dayuhan ay maaring mag-download ng application form online na ipiprisinta sa tanggapan ng BI upang maisagawa ang fingerprinting at paglilitrato bago i-encode sa database ng ahensiya, at bayaran ang bagong card. (Mina Navarro)