Tahasang ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi tinututukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Vice President Sara Duterte—na aniya’y wala namang ginagawa at natutulong sa Pangulo.
Inilahad ito ni Usec. Castro matapos matanong kung may kinalaman ba ang Palasyo sa isinampang kaso ng Department of Justice (DOJ) na grave threats laban kay VP Sara—kasabay ang pagharap nito sa impeachment trial.
MAKI-BALITA: Kasong grave threats, isinampa ng DOJ laban kay VP Sara!-Balita
“Alam mo kung puwede nga lang, na ang Pangulo ay laging isipin ang mga pinaggagawa ng bise presidente, sana nga ‘di ba—kaya lang hindi kasi siya nakatutok kay bise presidente,” saad ni Usec. Castro sa kaniyang pakikipanayam sa programang Dobol B TV ng Super Radyo DZBB nitong Miyerkules, Agosto 12.
Aniya, “Hindi siya nakatutok sa taong wala namang ginagawa at hindi nakakatulong sa kaniya. So, kung kinakasuhan siya, huwag nating isisi sa Pangulo, kasi ginawa niya ‘yan.”
“Totoo namang nakita natin, kulang pa nga ‘yan. Actually kulang pa ‘yan. Ako, as an ordinary citizen, as a lawyer, feel ko kulang pa nga ‘yang kaso na ‘yan. Alam mo kung bakit? Hindi lang ‘yan pananakot, hindi lang ‘yan grave threats, kasi sowing hatred ‘yan talaga. The whole video, sowing hatred against the President, against the First Lady, and maybe against the former [House] Speaker… pero I will not be speaking for him,”dagdag pa niya.
Bilang abogado, sinagot din ng press officer ang tanong kung puwede nga bang sampahan ng kaso sa isang lokal na korte o Regional Trial Court (RTC) ang isang impeachable official, kahit na ito ay humaharap sa impeachment trial.
“Magkaiba po kasi ang criminal case, magkaiba din po ‘yong impeachment—iba po ‘yong nature ng dalawa. So sabi ko nga, kung papasampahan ‘to ng plunder, puwede na ngang sampahan ng plunder ‘yan e. For me ha, kaya lang siyempre hindi naman tayo mangingialam sa ganiyan,” anang press officer.
Siwalat pa ni Usec. Castro, hindi nakonsulta ng DOJ sa Malacañang ang pagsasampa nito ng grave threats case laban kay VP Sara.
“Hindi e, otherwise nalalaman ko agad. Pero welcome naman ‘yon… welcome naman ‘yon kung ano man ang isasampang kaso basta may elemento. Ang importante lang kasi dito ay gumana ang due process. Alam mo ‘yon? ‘Yon naman lagi ang gusto ng Pangulo e. Kung may kakasuhan, hindi puwedeng shortcut, hindi puwedeng nagpa-planta ka ng ebidensya,” aniya.
“Ayaw nating maranasan ‘yong naranasan noong ibang mga kababayan natin during the time of the Duterte. So, ang gusto ng Pangulo, due process. Kung may kaso, kung mayroong mga elements of the crime na present, then go, sampahan ng kaso,” pagtatapos ni Usec. Castro.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o komento si VP Sara kaugnay sa mga pinakawalang pahayag ni Usec. Castro.