Nagbi tiw na si Ping Lacson bilang Rehabiltation Czar. Bagamat magiging epektibo sa Pebrero 10 ng susunod na taon, ito naman ay irrevocable. Wala itong kondisyon, hindi rin babawiin. Hindi gaya ito ng resignation nina Butch Abad ng DBM at Proceso Alcala ng Department of Agriculture na magbibitiw kung tatangapin ito ng Pangulo. Kapag hindi ito tinanggap ng Pangulo, na alam nilang hindi tatanggapin nito dahil malakas sila sa kanya, mananatili sila sa puwesto na siya namang nangyari. Ang ganitong resignation ay kunwa-kunwarian lamang at panloloko sa taumbayan na nagnanais nang maalis sila sa puwesto dahil sa katiwalian.
Ganoon pa man, mabait pa rin si Lacson. Nagbigay siya ng mga dapat gawin ng gobyerno kay Pangulong Noynoy para sa ikabibilis ng rehabilatasyon at ikabubuti ng mamamayang nasalanta ng kalamidad. Inerekomanda niya na ang mamahala ng rehabilatasyon ay gawing batas upang maging ito ay permanente at maliwanag ang kanyang tungkulin at responsibilidad. Pag-aaralan pa raw ito ng Pangulo.
Nang pulungin ng Pangulo ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno dalawang araw bago ang inaakalang pagsagasa ng bagyong Ruby sa Eastern Samar, hindi niya isinama ang komite ni Lacson. Eh ang tutumbukin ng bagyo, at talaga namang tinumbok, ay ang mga lugar na naunang sinalanta na ng super bagyong Yolanda. Sa mga lugar na ito nagsasagawa ng rehabilitasyon ang ahensiya ni Ping. Katunayan nga, mayroon nang mga naitindig nang istraktura na ginagamit na ng mga biktima ng Yolanda. Dapat ay isa rin sa mga pinulong ng Pangulo si Ping upang mabatid sa kanya ang kahandaan ng kanyang komite na mapangalagaan ang rehabilitasyong nasimulan na at ipinagpapatuloy. Makikita namang ginagampanan ni Ping nang maige ang tungkulin iniatang sa kanya. Naging maingat siya sa paghahanap ng lugar kung saan niya dinala ang mga biktima. Pinili niya ang mga lugar na matataas at idenesenyo nang matibay ang kanilang pinaglipatan. Kaya nga nang makalabas na si Ruby ng bansa, nasabi niya na hindi nadale ang rehabilitasyong naganap. Malaking kawalan sa bayan lalo na sa mga biktima ng kalamidad ang pagbibitiw ni Ping. Pero, malaking problema rin ito sa Pangulo dahil baka sundan siya ng mga nakararamdam nang niyayanig na ang kanyang tuwid na daan.