Namamalaging isang pangarap na mahirap abutin ang tinatawag na inclusive growth, o ang pagsulong ng ekonomiya na ang mayaman at mahirap ay kapwa nakikinabang. Ayon sa mga ekonomista, kailangang lumaki ang ekonomiya sa maraming taon bago bumaba sa antas ng mga dukha ang mga benepisyo nito. Inaasahang babagal muli ang paggulong ng ekonomiya sa 2014 bunga ng epekto ng mga kalamidad sa huling bahagi ng 2013 at ang mahinang paggugol ng pamahalaan noong 2014. Taliwas man sa sinasabi ng mga eksperto, naniniwala ako na sa panahong ito, maaaring makinabang ang mga mahihirap sa mga nagaganap sa ekonomiya sa kabila ng mabagal na pagsulong nito.

Maliwanag na patuloy na nakikinabang ang mga mayayaman sa paglago ng ekonomiya. Walang masama rito dahil ito ang normal na takbo ng kaunlaran. Nguni’t sa aking pananaw, may natatanging oportunidad ngayon upang idamay ang mga dukha sa mga nagaganap sa ekonomiya.

Ang oportunidad na ito ay dala ng patuloy na pagbaba ng halaga ng gasolina at diesel mula pa noong kalagitnaan ng taon. Kamakailan ay nagpahayag ang mga kumpanya ng langis na babawasan nila ng P1.75 ang presyo ng bawa’t litro ng gasolina at P1.55 bawa’t litro ng diesel simula noong Disyembre 14. Ikinagagalak ko ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ng piso ang pasahe sa jeep sa Metro Manila. Dapat kumbinsihin ng pamahalaan na ibaba rin ng mga kumpanya ng pagkain ang presyo ng kanilang mga produkto upang matiyak na makikinabang ang mga dukha sa pagbaba ng presyo ng langis. Sa susunod na linggo, tatalakayin ko ang hinaharap natin sa bagong taon, batay sa mga nagaganap sa kasalukuyan at sa aking sariling pagmamasid.

Samantala, inaanyayahan ko ang publiko na dalawin ang mga natatanging Chrismas exhibit sa mga proyekto ng Vista Land & Lifescapes, Inc. Ngayong bakasyon ang mga estudyante, ang pagbisita sa mga exhibit na ito ay magandang pagkakataon na magkasama ang mga pamilya sa pagsasaya. Libre ang mga pagtatanghal na ito, at bukas sa lahat. Sa Evia Lifestyle Center sa Vista City, na matatagpuan sa Daang Hari sa Cavite, itinatampok ang 30-piyeng Christmas tree, isang malaking arko at nakaiigayang pailaw. Sa lahat ng Pilipino: Maligayang Pasko!
National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas