Umapela si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko ng tulong pinansiyal para sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng “Home in Rome” na naging tahanan ng maraming Pinoy na pari na nag-aaral sa Roma, Italy sa loob ng 53 taon.
Ayon kay Tagle, kailangan nang sumailalim sa rehabilitasyon ang gusali ng Pontificio Collegio Filipino subalit kapos ang kanilang pondo.
“The restoration of the Collegio will help preserve the environment of excellence it has established through the years—a quality that will redound to the entire Catholic community,” ani Tagle.
Hiniling din ni Tagle sa mga mananampalataya na suportahan ang global fund raising campaign para sa Pontificio Collegio Filippino, na nagkabitak-bitak na ang sahig at pader dahil sa kalumaan.
Ayon kay Fr. Gregory Ramon Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filippino, matagal na nilang nais na ipaayos ang gusali ngunit inaalala nila ang mataas na construction cost sa Europe.
Sa kasalukuyan, umano, ang subsidiya na tinatanggap ng Collegio ay mula sa lodging fee ng mga Pinoy na pari at donasyon mula sa mga bisita nito, na hindi pa, aniya, sapat sa araw-araw nitong operasyon.
Ang Collegio, na kilala sa opisyal na pangalang Pontifical College Seminary of Our Lady of Peace and Good Voyage, ay nakapagtapos na ng mahigit 500 alumnus, karamihan sa mga ito ay mga obispo, arsobispo at papal nuncio na nag-aaral upang maging propesor, miyembro ng Diocesan Curia o kaya magsilbi sa mga specialized ministry tulad ng communications at school systems.