“RONALD, papalengke lang ako, ha,” sabi ng ina ng dose-anyos na panganay na anak. “Magsaing ka na at huwag mong sunugin o gawing lugaw, ha.” Tumugon si Ronald,”Opo, Nanay.” Ang nanay uli, “At habang nakasalang ang sinaing, gayatin mo na ang okra at sitaw. Magpitpit ka na rin ng bawang.” Tumugon uli si Ronald, “Opo, Nanay.” Si Nanay uli, “Ang mga kapatid mo bantayan mo, ha.” Tumugon uli si Ronald, “Opo, Nanay.” Si Nanay uli, nang nasa pinto na siya, “Sandali lang ako sa palengke, Ronald. Ang bahay... Ang aso... Ang mga halaman... Ang mga kapatid mo...” Napakamot na lang ng ulo si Ronald, “Opo, Nanay, gagawin ko pong lahat ang bilin ninyo.”
Ikaw ba napagbilinan ng iyong mga magulang o ng iyong nakatatandang kapatid o kamag-anak o ng iyong guro sa eskuwela na gumanap ng isa o higit pang tungkulin habang wala sila? Sinasabi ba nila sa iyo na “Ikaw ang bahala rito” o pabiro ngunit seryoso na “Ikaw ang manager dito” bago sila lumabas ng pinto?
Taglay ng awtoridad ang kapangyarihan at pribilehiyo. Kapag mayroong awtoridad ang isang tao, nangangahulugan iyon na pinagkakatiwalaan siyang pamunuan ang iba. Binigyan siya ng mas maraming responsibilidad na higit pa kaysa iba niyang kasama. May kakayahan siyang magdesisyon sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya pati na ang magpasya at tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang lahat ng bagay na ibinigay sa kanya upang pangasiwaan at pamunuan. Tinatamasa niya ang ilang karapatan at pribilehiyo.
Sinabi ni Jesus na binigyan siya ng Diyos Ama ng lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa. Ipinakita ito ni Jesus sa lahat ng tao. May kapangyarihan siya sa karamdaman, pinagaling niya ang may sakit. May kapangyarihan siya sa kalikasan, iniutos niya sa unos na kumalma. May kapangyarihan Siya sa mga demonyo, pinalayas niya ang mga ito mula sa inaalihan nito. May kapangyarihan Siyang magpatawad ng mga kasalanan. Maraming tao ang hindi nakikita ang kapangyarihang ito ni Jesus. Iniisip nila, sila ang may kapangyarihan sa sarili nilang buhay. Ngunit ilusyon lamang nila iyon. Darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao at ipahahayag na si Jesus ang Panginoon ng lahat. Sa araw na iyon, walang magtatanong kung sino ang may kapangyarihan.