Kung hindi mo naman makontrol ang iyong emosyon at parang gusto mo nang sumabog dahil paulitulit ang pagsingit sa pila at pagtunog ng cellphone sa loob ng sinehan, mahalaga na tanungin mo muna ang iyong sarili: Malaking bagay ba ito? Kailangan ko bang magwala at magsisigaw? Kailangan ko bang itumba o ihagis ang lahat ng kasangkapang abot ng aking mga kamay at mga paa? Mumurahin ko ba ang tangang iyon?
Madalas na ang sagot sa mga tanong na iyon ay “Hindi”. Mahalaga na pag-aralan muna ang iyong damdamin bago ka magbitiw ng maaanghang na salita na maaaring ikasira ng iyong reputasyon bilang edukadong tao. Sa ganitong paraan, masisira mo ang naka-programa mong emosyon; magkakaroon ka ng panahon upang alamin ang angkop at positibong reaksiyon sa situwasyon at maliligtas mo ang iyong sarili sa tiyak na kapahamakan.
- Mag-focus ka sa mga solusyon. - Ano ba ang magagawa mo upang bumuti ang situwasyon? Walang maitutulong ang iyong emosyon upang ayusin ang situwasyon. Kaya ituon mo ang iyong pag-iisip sa paghahanap ng solusyon sa halip na magsisigaw ka at magmura dahil sa galit. Huwag pairalin ang negatibong emosyon.
- Maghanap ng kabutihan sa negatibong situwasyon. - Ang pinakamatatatag na tao ay yaong may abilidad na maghanap ng magandang ibubunga ng kahit na anong situwasyon dahil pinili nilang gawing mabuti ang anumang ibato sa kanila ng tadhana. Mahirap itong gawin lalo na kung ang tao na nagdulot ng negatibong situwasyon ay hindi patas, walang konsiderasyon, at makasarili. Kaya mas mainam na huwag mo na lang intindihin iyon at isipin na lamang na iyon ay maliit na bagay lang. At least masasabi mong nag-react ka nang may integridad at hindi mo pinababa ang iyong pagkatao at mag-move on.