Pitong tauhan ng Manila Police District (MPD) Anti-Carnapping Unit ang nahaharap sa kasong robbery-extortion matapos ireklamo ng isang Pakistani noong Setyembre 19.

Base sa ulat ni Chief Insp. Artemio Manuel Riparip, ng MPD General Assignment and Investigation Section (GAIS), nagpupulong sina Kamran Khan Dawood, 39, ng 1806 Platinum 200, Annapolis Street, San Juan City; kaibigang Chinese na si Hua Long Wu; at apat na Pinoy sa Manila Pavilion sa UN Avenue nang lapitan sila ng mga pulis upang sabihin na ang kanilang mga sasakyan—tatlong Toyota Camry at isang Mazda 323—ay nasa “hot car” list.

Inimbitihan ng pitong pulis—sina Senior Insp. Rommel Geneblazo, SPO1 Gerardo Rivera, SPO1 Michael Dingding, SPO1 Jay Perturbos, SPO1 Jonathan Moreno, PO2 Renato Lachinang at PO2 Marvin de la Cruz—si Dawood sa tanggapan ng MPD-ANCAR section upang berepikahin ang estado ng kanyang mga sasakyan.

Subalit nakasaad sa ulat na kinausap umano ng pitong pulis ang kasamahan na Pinoy ni Dawood, na nakilalang si Bernardo Cayat, na maaaring maayos ang kaso sa halagang P300,000.

National

Guanzon, binalikan dating pahayag ni Willie hinggil sa politika: ‘Igiling-giling talaga!’

Hindi bumigay si Dawood sa alok ng mga pulis dahil, aniya, mayroong siyang legal na dokumento na magpapatunay na siya ang may-ari ng apat na sasakyan. Sa kabila nito, nakipagtawaran umano si Wu at nagkasundo ang dalawang grupo sa P100,000 upang mai-release ang mga sasakyan, maliban sa Toyota Camry (XPN 274).

Habang kasama ang kanyang kaibigang pulis mula sa Camp Crame, positibong itinuro ni Dawood ang pitong pulis na nangikil sa kanya sa MPD headquarters.

Agad namang ipinag-utos ni MPD Director Chief Supt. Rolando Asuncion ang pag-aresto sa pitong pulis. - Jenny F. Manongdo