Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

12 p.m. EAC vs JRU (jrs/srs)

4 p.m. St. Benilde vs Arellano U (srs/jrs)

Mapatatag ang kanilang kapit sa ikalawang posisyon ang tatangkain ng Arellano University (AU) sa kanilang pagsagupa sa rumaragasang College of St. Benilde (CSB) sa nakatakdang dalawang seniors matches ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

National

#WalangPasok: Mga lugar na nagsuspinde ng klase ngayong Biyernes, Sept 13

Hawak ang barahang 6-2 (panalo-talo), pupuntiryahin ng Chiefs ang ikapitong panalo kontra sa Blazers na hangad naman ang kanilang ikalimang dikit na panalo makaraang mabigo sa unang tatlo nilang mga laro.

Sa ganap na alas-4:00 ng hapon ang tapatan ng Chiefs at Blazers matapos ang pambungad na laban sa pagitan ng muling nabuhayan na Emiliio Aguinaldo College (EAC) at season host Jose Rizal University (JRU) sa alas-2:00 ng hapon.

Huling tinalo ng Chiefs ang Letran Knights, 63-62, para makabalik sa winning track matapos makatikim ng ikalawang pagkatalo sa kamay ng Heavy Bombers sa larong natapos sa triple overtime.

Pinangunahan nina Keith Agovida at kanilang versatile at hardworking playmaker na si Jiovanni Jalalon ang nabanggit na panalo nila sa Knights sa itinala nilang 14 puntos at all around performance na 13 puntos at 9 blocks, ayon sa pagkakasunod.

Muli ang dalawang ito ang sasandigan ni coach Jerry Codinera para sa hangad nilang ikapitong panalo kasama sina Dioncee Holts, Levi Hernandez at John Pinto.

Sa kabilang dako, galing sa 86-77 na panalo laban sa Lyceum, gaya ng dati ay aasahan naman ni coach Gabby Velasco ang kanyang mga beteranong sina Paolo Taha, Roberto Bartlo at team captain Mark Romero upang pangunahan ang Blazers sa tinatarget nilang ikalimang dikit na panalo na pansamantalang magtataas sa kanila mula sa 3-way tie sa ikatlong puwesto kasalo ng Perpetual Help Altas at ng JRU.

“We’re really playing inspired basketball,” ani Velasco “We’re trying to push how far this streak can go.”

Samantala, sa unang laro, sisikapin ng Generals na maitala ang unang back-to-back wins ngayong season sa pagsagupa sa Heavy Bombers na tiyak namang nakakuha ng malaking inspirasyon mula sa kanilang triple overtime, 99-98, win laban sa Arellano Chiefs sa nakaraan nilang laban.