Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na pagpapaliwanagin na lang nila ang misis ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na si Nancy dela Rosa sa pamamagitan ng isang liham, sa halip na ipa-subpoena siya.


Sa panayam ng media kay Matibag nitong Biyernes, Hunyo 5, 2026, binigyang-diin niya ang liham na ipapadala na lang daw para kay Nancy.

“We are sending her a letter instead of a subpoena. Susulatan namin siya to explain,” ani Matibag.

Paliwanag pa niya, “Kasi ang gusto naming malaman dun kung nagpadala ba talaga siya ng mensahe kay Senate President Alan Peter Cayetano, at ‘yon yung binasa mismo ni Senator Alan Peter Cayetano. Sinabi don yung term na escape.”

Hirit pa niya, “Sana sumagot don siya sa sulat muna. It's not a subpoena, it's a letter clarifying.”

Matatandaang nauna nang inihayag ni Matibag ang nakatakda sanang pagpapa-subpoena sa misis ng senador upang mabigyan-linaw umano ang naging text message niya na binasa ni Sen. Alan Peter Cayetano hinggil sa pananamantala niyang matakas habang nagkakabarilan sa Senado.

Ang naturang pahayag ay lumutang noong Mayo 14, ilang oras bago ang nangyaring palitan ng putok ng baril noong Mayo 13 sa pagitan ng Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA) at tropa ng NBI. 

Sa kasalukuyan, patuloy na pinaghahahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa bunsod ng kaniyang nananatiling pagtatago laban sa arrest warrant na inilabas sa kaniya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa crimes against humanity kaugnay ng naging madugong kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

US-Iran war, patapos na; peace framework, nakatakda na ring pirmahan!