June 21, 2026

Home SHOWBIZ Teleserye

Sunshine Cruz, 3 taong tumanggi sa proyekto; balik-taping na!

Sunshine Cruz, 3 taong tumanggi sa proyekto; balik-taping na!
Photo courtesy: Sunshine Cruz (IG)

Ibinunyag ng aktres na si Sunshine Cruz na tatlong taon siyang tumanggi sa mga pelikula at iba pang proyekto upang tutukan ang kaniyang kalusugan matapos ma-diagnose ng myasthenia gravis.

Sa isang social media post, ibinahagi ni Sunshine na bagama't nagpapasalamat siya sa mga alok na trabaho na patuloy na dumarating sa nakalipas na mga taon, mas pinili niyang unahin ang pagpapagaling upang hindi maging pabigat sa mga produksyon sakaling biglang umatake ang kaniyang kondisyon.

Binanggit niya ang sakit na "myasthenia gravis."

“For 3 years, I've declined movies and projects due to my myasthenia gravis. Grateful to always be considered but I didn't want to burden the prod if my AI suddenly flares up so I opted to focus on my health journey instead,” ani Sunshine.

Gayunman, masaya niyang ibinalita na kamakailan ay nakatanggap siya ng imbitasyon upang maging bahagi ng isang serye, na hindi niya tinukoy o pinangalanan kung sino ang mga makakasamang artista. Ayon sa aktres, binigyan na siya ng kaniyang neurologist ng clearance upang muling magtrabaho.

Teleserye

Bayani kinumpirma bagong proyekto nina John Lloyd, Ellen

“Few weeks ago I got a call to guest in a series. My Neuro gave me a clearance. Excited to be a part of a series of this actor who I have been wanting to work with. Health still comes first but 2 days of taping wouldn't hurt,” dagdag niya.

Hindi naman pinangalanan ni Sunshine kung sino ang aktor na matagal na niyang nais makatrabaho, ngunit ipinahayag niya ang pananabik na muling makaharap ang camera matapos ang ilang taong pag-iingat.

Batay sa Healthline website, ang myasthenia gravis ay isang bihirang autoimmune disease na nakaaapekto sa komunikasyon ng mga ugat at kalamnan.

Dahil dito, nakararanas ang pasyente ng panghihina ng kalamnan, lalo na sa mga mata, mukha, leeg, braso at binti. Maaari din itong makaapekto sa pagsasalita, pagnguya, paglunok at maging sa paghinga sa mas malulubhang kaso.

Bagama't wala pang ganap na lunas para sa naturang kondisyon, may mga gamot at panlunas na nakatutulong upang makontrol ang mga sintomas at mapabuti ang kalidad ng buhay ng pasyente.

Noong mga nakaraang taon, naging bukas si Sunshine tungkol sa kaniyang laban sa sakit at sa mga hamong kaakibat nito. Sa kabila nito, patuloy niyang ipinakikita ang positibong pananaw sa buhay at determinasyong makabalik sa kanyang karera sa tamang panahon.

Maki-Balita: Sunshine Cruz, sumagot sa netizens na umokray sa tabinging mukha niya

Maki-Balita: Sunshine Cruz, inulan ng suporta matapos isiwalat ang sakit niya

Sa ngayon, tila unti-unti nang nagbabalik sa kanyang showbiz commitments ang aktres, ngunit iginiit niyang mananatiling prayoridad pa rin niya ang kaniyang kalusugan.

Huling teleseryeng kinabilangan ni Sunshine ang "Unbreak My Heart," kauna-unahang kolaborasyon ng ABS-CBN at GMA Network sa paggawa ng isang teleserye.