Naantig ang netizens sa viral social media post na tribute ng isang anak sa kaniyang ama.
Mapapanood sa nasabing viral TikTok post na gamit ang kantang “You’re Still the One” ni Shania Twain, ipinapakita ng anak na si Gela ang ilang litrato nila ng ama, simula sa kaniyang pagkabata hanggang sa kasalukuyan.
Simple man kung titingnan at na-ipost noong pang nakaraang Linggo, Mayo 1, kasalukuyan nang nasa 106.5K reactions ang video.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Gela ngayong Linggo, Hunyo 21, ibinahagi niyang lumaki silang close ng pamilya sa kaniyang ama.
Aniya pa, hindi man palaging expressive ang ama, naramdaman niya ang pagmamahal nito sa paraan ng kaniyang pag-aalaga at pagsuporta sa kanila.
“Habang lumalaki po ako, naging close po kami ni Papa. Siya po yung taong laging nandiyan para sa amin, hindi lang sa mga masasayang moments kundi pati sa mga panahong kailangan namin ng gabay. Hindi man siya palaging expressive, pero ramdam ko po yung pagmamahal niya sa paraan ng pag-aalaga at pagsuporta niya sa amin,” ani Gela.
Saad pa ni Gela, ang happiest memories niya kasama ang ama ay ang simpleng bonding moments nila kagaya ng duet nila sa karaoke.
“Isa po sa happiest memories ko kasama ko si papa ay yung mga simpleng bonding moments gaya po ng pag duduet namin sa karaoke,” ani Gela.
Sa kasalukuyan, ibinahagi ni Gela na kahit marami nang nagbago habang tumatanda sila, nanatili ang respeto at maayos na relasyon sa ama.
“Ngayon po, maayos naman kami. Kahit marami nang nagbago habang tumatanda ako, nandiyan pa rin po yung pagmamahal at respeto ko kay Papa,” saad ni Gela.
Kaya ngayong Father’s Day, pinasalamatan niya ang effort, pag-aalaga, at pagmamahal na ibinuhos ng ama sa kanilang pamilya, na sa paglaki niya, mas lalo raw naintindihan ni Gela ang kahalagahan ng mga ginagawa ng ama para sa kanila.
“Happy Father’s Day Papa! Thankyou sa pagiging mabuting ama sa amin. Salamat sa lahat ng effort, pag-aalaga, at pagmamahal na ipinakita mo. Habang lumalaki ako, mas lalo kong naiintindihan kung gaano kahalaga ang mga ginawa mo para sa amin. Sobrang nagpapasalamat po ako na ikaw ang naging tatay ko. Mahal ka namin papa,” mensahe ni Gela sa ama.