“A man of few words” na maituturing sa loob ng tahanan, ang mga tatay ay kadalasang mas tahimik kumpara sa mga nanay na “expressive” sa kanilang nararamdaman.
Kaya kung minsan pa nga, tila “universal experience” na ng maraming anak na makatanggap lang ng isang malaking “like” reaction o simpleng “ok” sa chat o text tuwing pinadadalhan ng mensahe ang kanilang tatay.
Gayunman, hindi ibig sabihin na mas tahimik ang mga tatay o maging ang mga tumatayong ama, hindi na nila mahal ang kanilang pamilya.
Kaya narito ang ilan sa mga paraan ng mga haligi ng tahanan upang maipakita at maiparamdam sa pamilya ang kanilang tahimik na pagmamahal:
Paghahatid-sundo sa eskwela o trabaho
Kadalasan, kilala rin ang mga haligi ng tahanan sa pagiging busy sa paghahanap buhay o kung retired na rito, makikita silang nagbubutingting ng iba’t ibang gamit sa bahay bilang pampalipas oras.
Kaya ang paglalaan nila ng panahon para sa anak upang masundo o maihatid ito sa eskwela ay maituturing na “core memory” dahil minsan, ito ang nagiging bonding time nila.
Sa paghahatid-sundo rin minsan, may ilang haligi ng tahanan na bumibili ng kung ano-anong kuktutin para sa anak na ihahatid o susunduin.
Pagtatanong ng “kumain ka na ba?”
Ang pagkain ang isa sa “love language” sa pamilyang Pinoy, dahil sa hapag madalas ginagawa ang kumustahan kaya kapag may isang miyembro na hindi nakakasabay, madalas ginagawan ng paraan ng mga tatay na ipagtabi ng pagkain ang anak na hindi nakasama sa hapag, upang matiyak na hindi ito mapaglipasan ng gutom at makumusta pa rin.
Pagluluto ng paboritong ulam/pagbili ng paboritong pagkain
Bukod sa pagtatanong ng “kumain ka na ba,” mapapansin din sa maraming haligi ng tahanan na binibili nila ang mga pagkain na nagugustuhan ng kanilang anak upang matiyak na bukod sa busog, nasa oras ang pagkain nito.
Pagbibigay ng pasalubong
Tuwing may lakad, kadalasang hindi nawawala sa isip ng mga haligi ng tahanan ang kanilang pamilya, kaya makikitang nagdadala sila ng anumang pasalubong, na ma-eenjoy ng bawat isa sa bahay.
Pag-text/chat tuwing ginagabi na sa daan
“Nasaan ka na?”
Ang mga simpleng tanong na ito, habang nagdudulot ng kaba, ay may tanong ng pagmamahal para sa mga anak na inaabot ng dis-oras ng gabi sa daan upang ipaalala ang mga posibleng panganib at ang pag-aalala.
Pag-aabot ng allowance o panggastos
Panghuli, estudyante man o working professional ang anak, minsan, nagbibigay ng extra na panggastos upang idagdag sa pang araw-araw na gastusin o pambili ng luho.
Ito’y dahil bagama’t kadalasang tahimik, ang mga haligi ng tahanan ang kilala rin sa kanilang “soft spot” para sa kanilang pamilya.