“1,2,3…smile!”
Sa pamamayagpag ng social media, tila “proof of life” at souvenir na ng maraming netizens ang kanilang selfie.
Mapa-gym selfie man ito, travel, foodie, pet, car, o glamour selfie, lumalabas ang pagka-”inner model” at “photographer” ng maraming netizen pagdating sa harap ng camera upang mai-dokumento sa feed ang isang partikular na pagkakataon.
Gayunman, katulad nang maraming bagay, mahalagang tandaan na may tamang oras at panahon para sa pagkuha ng selfie.
Dahil dito, narito ang ilang “selfie etiquette” na mahalagang tandaan upang maisaalang-alang ang tamang kaugalian sa pagkuha ng sariling litrato kahit na nasaang lugar:
Irespeto ang mga lugar na mayroong “no picture” signboards
Partikular sa mga nagta-travel sa ibang lugar, mahalagang suriin ang paligid bago kumuha ng litrato, dahil may ilang establisyemento na ipinagbabawal ito upang mapanatili ang pagiging sagrado o pribado ng kanilang pagmamay-ari.
Ilan sa mga lugar o establisyemento na kadalasang makikitaan ng “no picture” signboards ay mga simbahan, punerarya, teatro, sinehan, o ospital.
Iwasang mag-selfie sa bangin o gilid ng isang mataas na gusali
Upang matiyak ang kaligtasan, iwasang pumwesto sa isang bangin o mataas na punto ng gusali para lamang makuha ang ninanais na selfie, dahil hindi “worth it” na maituturing ang kaaya-ayang kapaligiran kung ang buhay ay nakataya upang makuha ito upang mai-post lamang ito sa social media.
Ugaliing humingi ng permiso sa ilang lugar bago mag-selfie
Katulad ng pagiging mapagmatyag sa “no picture” signboards, maiging magtanong sa mga kasama, tour guide, o mga lokal na residente, kung nagta-travel, bago kumuha ng litrato upang matiyak na walang malalabag na batas o alituntunin.
Kasama rin dito ang paghingi ng permiso sa isang tao kung siya ay nakasama sa litrato, at iwasang pagtawanan ito upang hindi makasakit ng damdamin.
Maging mapagmatyag sa paligid at huwag harangan ang mga daanan
Bago kumuha ng selfie, tiyakin na walang maaabalang tao o mga sasakyan.
Irespeto ang oras ng bawat isa at tandaan na hindi lamang tungkol sa sarili ang magiging alaala ng litrato, kung hindi maging ang mga nangyari bago at pagkatapos itong makuha.
Huwag kalimutang i-enjoy ang mga nangyayari sa labas ng camera
Panghuli, bukod sa pagse-selfie, mainam na paminsan-minsan, ibaba ang camera at namnamin ang mga karanasan na hindi basta matututunan sa maliit na mundo ng social media.