“Dong, digi, digi, digi dong, digi, digi, dingdong…”
Celebs man o simpleng madla na “chronologically online,” napapa-giling ng latest release na ito ng It’s Showtime pop girl group na “Baby Dolls,” dahil sa madaling dance steps, catchy lyrics, at makukulay nilang costume kapag pinapanood sa telebisyon tuwing tanghalian.
Mula sa “Oohh Lala Baby” dance craze na sinayaw ng iba’t ibang Kapamilya stars tulad nina Melai Cantiveros, Mika Salamanca, at Donny Pangilinan; BINI members, Sheena Catacutan at Maloi Ricalde; at kamakailan lamang, si Chinese actress, Zhang Yingfei, na nakilala sa kaniyang karakter na si Linda Walker sa viral Chinese micro-drama, "The Heiress Who Won With Brains,” nang bumisita siya sa Pilipinas.
Bago pa itong “Oohh Lala Baby” dance craze na kasalukuyang kumakalat sa social media, nag-viral ang kanta nilang “Ikembot Mo” na parte ng kauna-unahan nilang Extended Play (EP) na “ZoomBaby Dolls.”
MAKI-BALITA: ALAMIN: Viral dance song na 'Ikembot Mo,' unang narinig sa pelikula ni Vhong Navarro
Ngunit bago ang mga nakakaindak na mga sayaw nila, ang Baby Dolls ay ipinakilala sa It’s Showtime noong Mayo 2023.
MAKI-BALITA: Bagong noontime girl group na ‘Baby Dolls,’ ipinakilala na sa ‘It’s Showtime’
Orihinal na binubuo ng siyam na miyembro, ang Baby Dolls ay nagmula sa sub-label ng ABS-CBN Music na “Star Pop.”
Mabusising sinala ang mga miyembro mula sa libo-libong contestants ng It’s Showtime segment na, “Girl on Fire” at “Sexy Babe.”
Kalaunan, mula sa siyam na miyembro, naging pito na lamang ang bumubuo sa Baby Dolls nang umalis sina Mary Delle Cascabel at Kim Tubiano, bago pa man lumabas ang digital single ng grupo na “Ikembot Mo.”
Sa kasalukuyan, ang Baby Dolls ay binubuo ng mga sumusunod na miyembro:
- Arianne Dela Cruz
- Chole Florendo
- Johaira Moris
- Juby Sabino
- Jelai Ahamil
- Eriel Reyes
- Ina Ortega