Isiniwalat ng komedyanteng si Bayani Agbayani ang bagong proyektong gagawin ng dating mag-partner na sina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna sa ilalim ng GMA Network.
Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, Hunyo 20, kinumpirma ni Bayani na sitcom ang gagawin nila kung saan makakasama rin siya at si Rufa Mae Quinto.
“Sa pagkakasabi sa akin ni Lloydie, sure na. Si Lloydie kasi ang line producer. Matagal ko nang kaibigan si Lloydie. Nagkasama kami sa TFC, sa abroad. Nag-guest ako dati sa kanila sa 'Home Sweetie Home,'" saad ni Bayani.
Dagdag pa niya, “Alam mo, nakakatuwa, ang sabi sa akin ng producer at saka ng writer, ‘Maraming-maraming salamat, Lloydie.’ Kasi talagang napakabait no’ng tao. Sabi niya, ‘Hindi ko ito gagawin kung wala si Bayani at si Rufa Mae Quinto.’”
Kaya naman nangako si Bayani na sasamahan at tutulungan niya rin si John Lloyd sa bago nitong proyekto.
Matatandaang umugong noong Abril ang bulung-bulungan na magkakaroon ng proyekto sina Ellen at John Lloyd nang magbahagi ng kanilang groufie si GMA Network Senior Vice President Annette Gozon-Valdes kasama si Sparkle Senior Talent Manager Tracy Garcia.
Kaugnay na Balita: Sey mo Derek? Mag-ex na sina Ellen at John Lloyd, nagkita ulit