Ipinagdiriwang ang National Kissing Day tuwing Hunyo 22. Ngunit ang isa pang baryasyon nito na International Kissing Day ay pumapatak ng Hulyo 6.
Magkaiba man ang petsa, pareho naman ang layunin—idaos ang halik bilang anyo ng pag-ibig at pagsuyo. At dahil napag-uusapan na rin naman ito, ano-ano nga bang benepisyong makukuha sa dampi ng labi ng isa’t isa?
1. Nakakapag-burn ng calories
Kung tinatamad lumabas para tumakbo o pumunta ng gym para mag-work out pero may partner naman, maaaring magbawas ng caloris kahit sa loob lang ng bahay.
Dahil may mga pananaliksik na nagsasabing ang pakikipaghalikan ay nakakasunog umano ng 2 hanggang 26 calories kada minuto. Nakadepende raw ito kung gaano karubdob ang halikan ng mag-partner.
Pero siyempre, kung gusto talagang magbawas ng timbang, hindi pa rin sapat na alternatibo ang pakikipaghalikan. Kinakailangan pa rin ang tamang balanse sa lahat.
Sabi nga ni Bryan Stanford, propesor at director ng health promotion center ng University of Louisville, “People tend to have the misconception that anything that raises your heart rate has the same effect as jogging, so it must be good for fitness. Not true. Anything can get your heart racing ... that's just adrenaline.”
2. Nakakapagpalakas ng sex drive
Ayon sa isang pananaliksik, ang pakikipaghalikan umano ang nagtatakda ng desisyon kung ang babae ay makikipagtalik habang ginagamit naman ito ng kalalakihan upang mapataas ang posibilidad na makaniig ang hinahalikan nila.
Samantala, sabi naman ng psychologist at clinical sexologist na si Joy Davidson, PhD, ang pakikipaghalikan ay “exciting excursion into the sensual.”
“If we happen to be connecting with someone we care about, it produces a sense of well-being and a kind of full-bodied pleasure," paliwanag ni Davidson.
Dagdag pa niya, maituturing din umanong “sexual meditation” ang pakikipaghalikan dahil pinatatahimik nito ang mga alalahanin sa isip ng isang tao.
3. Nakakabuti sa total cholesterol
May pananaliksik na nagsasabing ang mga nakikipaghalikan umano ng pitong beses sa isang buwan ay mas maayos ang level ng triglycerides at cholesterol kumpara sa mga bihirang makaranas nito.
Bagama’t nilinaw ng mga mananaliksik na hindi direktang nakakaapekto ang halik sa cholesterol, nananatili pa rin itong significant.
Matatandaang malaking salik ang mataas na cholesterol sa mga sakit na tulad ng storke at sakit sa puso.
4. Nakakatulong itong maglabas ng happy hormones
Nakakatulong ang paghalik upang palitawin ang mga kemikal sa katawan para makaramdam ng lugod at ligaya ang isang tao. Kabilang sa mga kemikal na ito ang oxytocin, dopamine, at serotonin na pare-parehong nag-uudyok ng pakiramdam ng euphoria.
Bukod dito, pinabababa rin ng halik ang stress hormone. Gaya nga ng binanggit ni Davidson, maituturing bilang “sexual meditation” ang pakikipaghalikan dahil pinapawi nito ang mga alalahanin sa isip ng tao.
5. Nakakapagtanggal ng bacteria sa ngipin
Nakakapagpaalis umano ng bacteria sa ngipin ang sobrang laway na nakukuha sa pakikipaghalikan, ayon sa private practice dentist sa Ohio na si Mathew Messina. Pero hindi raw niya nirerekomenda na makipaghalikan pagkatapos kumain.
“Still, I would not go around advocating kissing after meals instead of brushing," aniya.
Samantala, bagama’t wala pang sapat na scientific evidence na makakapagpatunay na totoong nakakapigil ng cavities ang pakikipaghalikan, patuloy pa rin umano ang pagsasaliksik ng mga eksperto hinggil dito.