June 28, 2026

Home BALITA Probinsya

Paring tumutol sa pagmimina, kinasuhan!

Paring tumutol sa pagmimina, kinasuhan!
Photo courtesy: Contributed photo

Nahaharap sa kasong sibil si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao kasama ang ilang environmental advocates at community defenders dahil sa kanilang pagtutol sa isinasagawang exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC) sa bayan ng Kasibu.

Ang usapin ay may kaugnayan sa planong pagmimina at mineral exploration sa mahigit 4,400 ektaryang lupain na sumasaklaw sa ilang barangay sa Kasibu, kabilang ang mga lugar na bahagi ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina Fr. Christian Dumangeng, dating Social Action Director ng Diocese of Bayombong at kasalukuyang station manager ng Radyo Veritas Bayombong, anti-mining advocate na si Florentino “Tinong” Daynos, at iba pang mga indibidwal na aktibong tumututol sa proyekto.

Batay sa mga dokumentong inihain sa Municipal Trial Court ng Kasibu, inakusahan ang mga respondent ng umano’y pagpapanatili ng isang ilegal na barikada sa loob ng ancestral domain na sinasabing humahadlang sa mga aktibidad ng kumpanya.

Ang reklamo para sa forcible entry ay isinampa ni Rosario Camma, na kumikilos sa kaniyang personal na kapasidad at bilang overall chieftain ng Bugkalot/Ilongot Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities.

Probinsya

‘Gold Gallantry and Heroism Award,’ ng BSP, iginawad sa ‘bayaning estudyante’ sa Tacloban

Gayunman, hindi pinagbigyan ng hukuman ang kahilingan para sa Temporary Restraining Order (TRO), matapos makita na wala pang sapat na batayan upang agad itong ipalabas. Nakatakda namang dinggin ng korte sa Hunyo 23 ang kahilingan para sa writ of preliminary injunction.

Ayon sa kampo ng mga sinampahan ng kaso, ang reklamo ay maaaring maituring na Strategic Lawsuit Against Public Participation o SLAPP, isang uri ng legal na hakbang na sinasabing ginagamit upang hadlangan o pahinain ang mga mamamayan at organisasyong nagsusulong ng mga usaping pangkalikasan at karapatang pantao.

Matagal nang kilala si Bishop Mangalinao bilang isa sa mga tagapagsulong ng pangangalaga sa kalikasan sa Nueva Vizcaya. Ilang ulit na rin siyang nagpahayag ng suporta sa mga katutubong komunidad na nangangambang maapektuhan ng malawakang pagmimina sa kanilang mga lupain.

Samantala, inaasahang magiging mahalaga ang susunod na pagdinig sa kaso upang matukoy ang magiging direksyon ng legal na usapin sa pagitan ng mga tumututol sa proyekto at ng mga nagsusulong ng exploration activities sa lugar.