Diniin ni Senate President Pro Tempore Sherwin “Win” Gatchalian na panloloko raw sa publiko ang ginawang pag-aanunsyo ni dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ng ikakasa sana nilang hindi awtorisadong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Hunyo 16, 2026.
Matatandaang batay sa Facebook post ni dating Defensor, binanggit niyang gaganapin ang nasabing pagdinig sa Doublegem EDSA Garden Events Place sa ganap na 10:00 ng umaga nitong Martes, Hunyo 16, kung saan nakatakda muling lumantad ang 18 ex-bodyguards.
KAUGNAY NA BALITA: 2 Blue Ribbon Committee ng Senado, naglabas ng magkaibang anunsyo
Sa naging pahayag naman ni Gatchalian nito ring Martes, sinabi niyang malinaw raw na niloloko at gumagawa ng panlilito sa publiko si Defensor dahil hindi naman daw ito chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at senador.
“Definitely niloloko niya ‘yong tao. Definitely gumagawa siya ng confusion. Dahil sa post niya, Blue Ribbon hearing, hindi naman siya chairman,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi naman siya member, hindi naman siya senador. Bakit niya nililinlang ang tao?”
Ani Gatchalian, nag-uusap na raw sila ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Erwin Tulfo tungkol sa posibleng legal na aksyon na puwede nilang gawin laban kay Defensor.
“Kausap ko si Sen. Erwin at pinag-aaralan din namin ‘yong legal action dahil niloloko niya ang taumbayan. Hindi tama ‘yon,” aniya.
Pagpapatuloy niya, hindi raw tama na gamitin ni Defensor ang titulo ng Senado para lang makapanloko ng publiko.
“Dahil kapag ginagamit niya ang titulo ng Senado, hindi tama ‘yon dahil panloloko ang ginagawa niya,” pagtatapos niya.
Samantala, hindi naman natuloy ang naturang “unauthorized” Senate Blue Ribbon Committee hearing na ikakasa nina Defensor at mga miyembro ng 18 ex-bodyguards nitong Martes matapos maglabas ng pahayag ang event place na pagdarausan sana nila sa Mandaluyong City.
KAUGNAY NA BALITA: Event place sana ng Blue Ribbon hearing, wala raw kaugnayan kina Defensor at 18 ex-bodyguards!