Ibinahagi sa publiko ng abogado ng kontratistang si Curlee Discaya na naghain na raw sila ng petition for bail sa Korte bilang aksyon para magkaroon ng pansamantalang paglaya ang huli.
Matatandaang opisyal na inaresto ng mga awtoridad si Discaya noong Hunyo 8, 2026, kaugnay sa kinakaharap niyang non-bailable case na malversation of public funds dahil sa falsification of documents sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa naging pahayag ng abogado ni Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Hunyo 19, sinabi ng huli na nakapaghain na raw sila ng petition for bail sa Korte dahil puwede naman daw talaga iyon.
“Nag-file kami for petition for bail. Hindi naman ibig sabihin na ‘pag non-bailable ay hindi na talaga siya puwedeng mag-file ng petition for bail,” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Samaniego, titingnan pa rin daw ng Korte kung “strong” o “not strong” ang discretion sa kanilang petition for bail bago sila magdesisyon kung mabibigyan ng pansamantalang paglaya si Discaya kahit na non-bailable ang kaniyang kinakaharap na kaso.
“Kasi kahit na non-bailable, titingnan ‘yan ng Korte. It is a matter of… discretion kung ang guilt ay strong,” aniya.
“Pero kung maa-appreciate ng Korte na ang guilt is not strong sa petition for bail namin ay lalaya ‘yan kahit na non-bailable,” pagtatapos pa niya.
Sa parehong panayam, inilahad din ni Samaniego na wala raw natatanggap na anomang special treatment si Discaya sa loob ng kulungan.
“Okay naman siya. Kasama niya ‘yong ibang PDL. Wala namang special treatment diyan na nangyayari,” saad niya.
Pagpapatuloy ng abogado, nagkaroon pa nga raw ng skin rashes si Discaya dahil na rin sa malubhang init sa loob ng kulungan.
“Medyo hirap din siya kasi mainit. Mainit sa loob, maraming PDLs kaya medyo nahihirapan siya. Then nagkaroon nga siya ng skin rashes na sa sobrang init talaga sa loob,” pagbabahagi niya.
Kasalukuyang nakakulong si Discaya Bulacan Provincial Jail sa Malolos- Bulacan, kasama ang iba pang mga naakusahan sa naturang anomalya.
Matatandaang 9 na buwang nadetine sa kustodiya ng Senado si Curlee matapos siyang ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa noo’y serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
KAUGNAY NA BALITA: Curlee Discaya walang special treatment, nagka-skin rashes—Abogado