Inilahad sa publiko ng abogado ng kontratistang si Curlee Discaya na wala raw siyang natatanggap na anomang special treatment at nagkaroon pa ng skin rashes dahil sa init sa loob ng kulungan.
Matatandaang opisyal na inaresto ng mga awtoridad si Discaya noong Hunyo 8, 2026, kaugnay sa non-bailable case niyang malversation of public funds dahil sa falsification of documents sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Kasalukuyang nakakulong si Discaya Bulacan Provincial Jail sa Malolos- Bulacan, kasama ang iba pang mga naakusahan sa naturang anomalya.
Sa naging pahayag naman ng abogado ni Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Hunyo 19, sinabi niyang medyo nahihirapan daw si Discaya dahil sa malubhang init sa loob ng kulungan.
“Okay naman siya. Kasama niya ‘yong ibang PDL. Wala namang special treatment diyan na nangyayari,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Medyo hirap din siya kasi mainit. Mainit sa loob, maraming PDLs kaya medyo nahihirapan siya. Then nagkaroon nga siya ng skin rashes na sa sobrang init talaga sa loob.”
Ani Samaniego, nagsumite raw sila ng petition for bail para kay Discaya dahil puwede pa rin naman daw iyon kahit non-bailable case ang kinakaharap ng kaniyang kliyente.
“Nag-file kami for petition for bail. Hindi naman ibig sabihin na ‘pag non-bailable ay hindi na talaga siya puwedeng mag-file ng petition for bail,” aniya.
“Kasi kahit na non-bailable, titingnan ‘yan ng Korte. It is a matter of… discretion kung ang guilt ay strong. Pero kung maa-appreciate ng Korte na ang guilt is not strong sa petition for bail namin ay lalaya ‘yan kahit na non-bailable,” pagtatapos pa ni Samaniego.
Matatandaang 9 na buwang nadetine sa kustodiya ng Senado si Curlee matapos siyang ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa noo’y serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Bago nito, nauna nang inaresto at naikulong ang misis niyang si Sarah Discaya at kasalukuyang nasa kustodiya ng Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.
KAUGNAY NA BALITA: Mayor Vico Sotto sa pagkaaresto kay Curlee Discaya: 'Sana mas marami pa ang makulong!'