Inihain sa Kamara ang panukalang House Bill No. 9891 o ang Paternity and Parental Leave Act (PAPA Leave Act) upang i-extend sa 105 araw ang paternity leave benefits mula sa kasalukuyang pitong araw.
Nilalayon ng panukalang PAPA Leave Act na pagtibayin ang responsible parenthood, relasyon sa loob ng pamilya, at child development, sa pamamagitan ng pagbibigay oportunidad sa mga tatay na manatili sa tabi ng kanilang anak sa mga unang yugto ng kaniyang buhay.
Sa ilalim nito, ang paternity leave ay magiging 90 na araw para sa live childbirth ng partner at 60 na araw naman kung makunan ang pagbubuntis o kailanganin ng emergency termination.
Sinasabi rin dito na maaaring ma-avail ang karagdagang 15 araw na paid parental leave, sa loob ng isang taon mula sa pagkapanganak ng partner.
Saad pa sa panukala, ang paternity leave ay maaari nang ma-avail bago o matapos manganak ang asawa.
Ito rin ay eligible hindi lamang sa mga kasal na lalaking empleyado, dahil maaari rin itong mag-extend sa non-marital na mga ama at alternative caregivers, na may mahalagang gampanin sa pagpapalaki ng isinilang na sanggol.
Kung sakaling hindi magampanan ng ama o alternative caregiver ang kaniyang tungkulin habang nasa paternity leave, maituturing itong paglabag sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ang panukalang PAPA Leave Act ay inihain nina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Percival Cendaña, at Dadah Kiram Ismula, sa pakikipagsanib-puwersa kay Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.