Sa kasalukuyang panahon, hindi maikakailang mahirap talagang mag-aral.
Totoo na nariyan ang smartphones, computers, at internet na handang tumulong at sumaklolo; pero sa hirap ng buhay, at sa lahat ng nangyayaring tila sabay-sabay, hindi nito pinadadali ang sitwasyon.
Pero sa kabila ng mga ito, isang mag-aaral ang muling nagpatunay na kung may mithiin, lahat ay gagawin para makamtan ito.
Sa isang viral Facebook post na ibinahagi ng netizen na si Mareil Barugo, 28-anyos mula sa Bacolod City, makikita ang isang pamilyang nanonood ng isang video presentation.
Ipinakikita sa naturang video ang nagtapos niyang kapatid na si Edgar Jr D. Barugo.
Mapapanood na kwela at nakatutuwa ang pagkakapresenta ng video—na isa palang prank kaugnay sa pagtatapos o pag-graduate nito sa kolehiyo.
Sa unang bahagi ng video, napatanong kung nagtapos nga bang “Latin” si Edgar, pero bigla itong sinundan ng salitang “Latino.”
Lumabas naman ang salitang “Laude,” na sinundan ng salitang “Small” sa unahan—kaya’t naging “Small Laude.”
Ilan pang mga salita ang lumabas ngunit sa huli, ipinakita ring nagtapos siya bilang Magna cum laude, sa kursong Bachelor of Science (BS) in Business Administration, Major in Marketing Management sa Bacolod City College.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mareil Barugo, inilarawan niya si Edgar bilang isang masipag at madiskarteng indibidwal.
“Ang nasa video po ay si Edgar Jr D. Barugo, nakababatang kapatid namin at nag-iisang lalaki sa aming magkakapatid,” saad ni Mareil.
Kuwento niya, “Si Edgar po ay isang napakasipag at madiskarteng tao, mula elementary nagbebenta na po kami ng mga yema, pastillas, choco balls para may pandagdag baon hanggang sa nag-high school.”
“Noong nag-college po siya, nag-working student po siya sa Jollibee and while working and studying, kapag may free time siya, nagbebenta po siya ng mga suman, valenciana, mango float, salad, buko pandan at noong nakaipon-ipon po, nagpautang po siya ng bigas kaso nalugi dahil marami ang hindi nakabayad pero hindi napanghinaan ng loob ‘yang kapatid ko nagpatuloy pa rin siya sa pagbenta ng ibang products niya kahit wala na ‘yong bigas,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni Mareil, hindi napabayaan ng kaniyang kapatid ang pag-aaral nito—sa kabila ng patuloy nitong pagdiskarte.
“Pero kahit nag-wo-work at nagbebenta, hindi niya napabayaan ang pag-aaral niya, sobrang sipag mag-aral ng kapatid ko at never nagreklamo kahit pagod na pagod na siya,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kahit pinapaaral niya sarili niya, nagbibigay pa siya ng allowance minsan kina Mama, Papa, at sa bunso namin. Sobrang mapagmahal din niyan kaya swerte talaga kami na naging kapatid namin siya.”
Ikinuwento rin niya kung paano sila ipinulong ng kapatid upang mapanood ang video. Aniya, nagkaroon na agad siya ng ideya sapagkat napanood niya na raw ang ganitong trend.
“Bale ‘yong nangyari po niyan tinipon niya kami kasi mag-practice daw sila mag-hooding ni Mama and para makita namin since di kami makakapasok sa venue ng graduation kasi dalawa lang pwede bitbitin,” aniya.
“Noong natapos sila mag-practice ng hooding, sinabi niya mag-stay muna at may papakita siya. So ako, parang nagka-hint ako kasi napapanood ko na sa TikTok ‘yong ganitong trend e, nag-video ako,” dagdag pa niya.
Gayong pamilyar sa naturang trend, idiniin niyang nagulat pa rin sila dahil hindi nila inaasahang magtatapos nang may karangalan ang kaniyang kapatid.
“Sobrang nagulat po talaga kami kasi di namin in-expect na Magna [cum laude] talaga kasi sa totoo lang, ang maka-graduate pa lang siya ay proud na kami e, tapos Magna [cum laude] pa kaya sobrang saya at nakaka-proud talaga,” ani Mareil.
Siwalat niya, ibinahagi nila ang video sa social media upang maging inspirasyon para sa mga estudyanteng nais ding magtapos tulad ni Edgar.
“We shared our video to express how proud we are of what my brother achieved and to inspire other students who're struggling that no matter how hard they are facing, it will all be worth it in the end,” aniya pa.
Sa huli, inilahad naman ni Mareil ang mga mensahe niya para sa kaniyang kapatid.
“Hi manong, Please know that we are very proud of you and we’re happy that all your hardworks paid off, good luck on your next journey, don’t pressure yourself too much because we’re always here for you,” ani Mareil.
“I thank God for having you as our one and only brother, you mean so much to us and we love you so so much. God bless you always and take care,” pagtatapos niya.
Habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na ang naturang video ng 4.3 million views, 139k reactions, 1.5k comments, at 1k shares.