July 15, 2026

Home BALITA

Pulis, arestado matapos bugbugin at tutukan ng baril ang ‘ex’ ng girlfriend niya!

Pulis, arestado matapos bugbugin at tutukan ng baril ang ‘ex’ ng girlfriend niya!
Photo courtesy: Unsplash

Arestado ang isang pulis matapos umanong bugbugin at tutukan ng baril ang isang lalaki sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Barangay Matabao, Buenavista, Agusan del Norte noong madaling araw ng Sabado, Hulyo 11.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Ronald Tabañag Gonzaga, 54-anyos, isang negosyante at dating barangay kagawad sa Buenavista. Nagtamo siya ng ilang sugat at pamamaga sa mukha matapos umano siyang paulit-ulit na suntukin ng suspek.

Ang suspek ay isang 39-anyos na police corporal na nakatalaga sa Nasipit Municipal Police Station. Bagama't wala siya sa oras ng trabaho nang mangyari ang insidente, dala umano nito ang kaniyang government-issued na Glock 17 Gen 4 na kalibre 9mm.

Batay sa imbestigasyon, kapwa umano nag-iinuman ang biktima at suspek sa magkahiwalay na lugar bago nagkrus ang kanilang landas sa isang establisimyento sa Barangay Matabao.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawa matapos makita ng biktima ang dati niyang kasintahan na kasalukuyan umanong may relasyon sa pulis.

National

Sen. Lacson kay Atty. Kapunan: 'I never talked about birds!'

Dahil dito, nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang kanilang pagkikita hanggang sa tuluyang mauwi sa pisikal na komprontasyon.

Sa kasagsagan ng insidente, sinasabing inilabas ng pulis ang kaniyang service firearm at itinutok ito sa biktima habang patuloy na sinasaktan sa mukha.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Buenavista Municipal Police Station matapos makatanggap ng ulat hinggil sa nangyayaring kaguluhan sa lugar.

Sa tulong ng mga saksi, mabilis na natunton at naaresto ang suspek. Nakumpiska rin mula sa kaniya ang kaniyang service firearm at mga bala bago siya dinala sa himpilan para sa kaukulang dokumentasyon at custodial procedures.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa physical injuries at grave threats, bukod pa sa iba pang posibleng paglabag na maaaring isampa laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang pananagutang administratibo na maaaring kaharapin ng pulis kaugnay ng insidente.