Idiniin sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na kinakailangan daw ng gobyerno ang tulong ng taumbayan na makiisa sa layuning masolusyunan ang mga problema sa bansa, partikular sa pagbaha.
Sa naging pahayag ni Castro sa ikinasa niyang press conference nitong Martes, Agosto 11, 2026, sinabi niyang ikinagulat din daw ng Palasyo ang tumambad na “dagat ng basura,” partikular sa drainage channel sa Baclaran, Parañaque City, na nagiging dahilan ng hindi maayos na pagdaloy ng tubig sa mga lagusan at nagreresulta ng pagbaha.
“Lubha po talagang nakakabigla na in a way na isa ito sa makikita nating dahilan sa hindi pagdaloy ng tubig sa lagusan,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Pero ‘yong tumambad na sa ating mata na dagat ng basura. Parang may lumalangoy, parang may gustong lumangoy sa dagat ng basura.”
Ani Castro, tanging nais daw ng mga Pilipino ang magkaroon ng maayos na mga lagusan ng tubig at magtulungan ang lahat para sa layuning ito
“Hindi ito ang nais natin. Nais natin ay magkaroon ng maayos na daluyan ng tubig. Kaya kailangan pong ayusin ng ating pamahalaan, ng mga opisyal natin. Pero ang nais natin lahat, ang nais ng Pangulo, lahat po tayo ay magtulong-tulungan,” aniya.
Diin ni Castro, hindi aw makakayanan ng gobyerno ang patuloy na magtrabaho at resolbahan ang problema sa pagbaha kung patuloy naman daw na magpapabaya sa basura ang taumbayan,
“Hindi po kakayanin ng gobyerno na na magtrabaho nang magtrabaho pero ang ating mga kababayan ay pabaya nang pabaya. Tapos magtuturo kung sino ang may kasalanan,” tirada niya.
“Lahat po tayo dito ay dapat kumilos. Hindi puwedeng nagkukuya-kuyakoy lang tayo lagi,” pagtatapos pa ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa baha: Dati hanggang leeg, dibdib umaabot; ngayon kulang pa sa tuhod
KAUGNAY NA BALITA: 'This will take time!' Sec. Dizon, idiniing walang 'overnight solution' sa problema sa baha