“Utak kriminal!”
Tahasang tinuligsa ni Sen. Robin Padilla ang 14 taong gulang na suspek sa pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban City noong Hunyo 23, 2026.
Sa pamamagitan ng Facebook post nitong Miyerkules, Hulyo 1, tinawag ni Padilla na utak kriminal umano ang naturang binatilyo.
“Nais maging pulis? Batang bata pa pero utak kriminal na kung paikutin ang mga nasa paligid n’ya?” ani Padilla.
Hirit pa niya, “Paanong naging menor de edad ang pag iisip at dibdib niyan?”
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa nangyaring pamamaril sa Tacloban City, ibinahagi ng tiyahin ng suspek na pangarap umano ng binatilyo na maging pulis kagaya niya.
Matatandaang mismong ang service firearm niya ang ginamit ng nasabing suspek sa pamamaril sa pampublikong paaralan sa Tacloban City kasama ang isa pang 15 taong gulang na binatilyo kung saan tatalong estudyante ang nasawi habang 20 katao ang sugatan.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Paliwanag ng pulis, nakalagay daw kasi sa isang plastic locker ang kaniyang baril noon at siya lang daw ang may hawak ng mga susi ng kaniyang bahay at naturang locker.
“Plastic locker and my firearm were inside a gun box. The locker was locked as well po and I’m the only one who has the possession of the key to my house,” ani PSSG. Arla Ray Paciencia, na tiyahin ng 14-anyos na suspek.
Samantala, tila isang patutsada naman sa naturang committee hearing ang ibinahagi ni Padilla sa kaniyang social media.
“‘Wag n’yo pahabain ang usapan at wala na tayong oras na dapat sayangin upang tunay tayong makapagsagip ng buhay at kinabukasan ng mga bata. Kilos na komite ng hustisya!” anang senador.