Nagtipon ang libo-libong tagasuporta ng United People's Initiative (UPI) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Linggo, Hulyo 19, para sa People's Indignation Rally na may temang "One People, One Voice, One Philippines."
Layon ng pagtitipon na ipanawagan ang pagkakaisa ng mga Pilipino at mas aktibong pakikilahok ng publiko sa iba't ibang usaping pambansa, kabilang ang paglaban sa katiwalian sa pamahalaan.
Ayon sa mga organizer, patuloy na dumarating ang mga kalahok habang isinasagawa ang programa. Hanggang alas-7:45 ng gabi, tinatayang nasa 5,000 katao na ang dumalo sa anti-corruption rally, bagama't pabago-bago ang bilang dahil may mga dumarating at umaalis na rin.
Isa sa mga dumalo sa pagtitipon ang na-expel dating Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, na nagbigay ng maikling talumpati sa harap ng mga kalahok bilang pagpapakita ng suporta sa layunin ng rally.
Bukod sa mga talumpati, kapansin-pansin din ang iba't ibang placard na bitbit ng mga dumalo na nagpapahayag ng kanilang mga panawagan at hinaing laban sa umano'y katiwalian at iba pang isyung kinahaharap ng bansa.
Kabilang sa mga nakasaad sa mga placard ang:
"BBM: Tama na, sobra na! Bumaba ka na!"
"BBM Resign."
"Hustisya, wag palusot!"
"Mga ospital walang gamot dahil sa budget binulsa ng mga kurakot!"
"Ikulong ang mga tumanggap ng maleta! Palayain si Marcoleta!"
"Lumalaban sa flood control: Kulong. Kumita sa flood control: Safe."
"Puro kayo busog! Pero lahat kami ay lubog!"
"Puro kayo pasarap, ang mga tao ay naghihirap!!"
"Pinagpaguran ng manggagawa ang kontribusyon, ninanakaw ng administrasyon!!!"
"Kalatas, sweldo, sapilitan, serbisyo nasaan?!"
May ilan ding dumalo na may dalang mga plakard at simbolikong props bilang pagpapahayag ng kanilang panawagan para sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan at mas maigting na kampanya laban sa korupsiyon.
Samantala, nanindigan ang mga organizer na layunin ng People's Indignation Rally na himukin ang publiko na makiisa sa pagsusulong ng transparency, accountability, at mabuting pamamahala, habang patuloy na nananawagan ng pagkakaisa sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng bansa.