Natagpuan na ang bangkay ng 13-anyos na dalagitang natabunan ng pagguho ng lupa dulot ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Southern Mindanao noong Hunyo 8, makalipas ang mahigit isang buwan mula nang mangyari ang sakuna.
Ayon sa mga awtoridad, natabunan si Jaya Bualan Mansibad ng malaking pagguho ng lupa matapos ang malakas na lindol. Agad nagsagawa ng search and retrieval operations ang mga rescue team ngunit hindi siya agad natagpuan dahil pinaniniwalaang malalim ang pagkakatabon sa kaniya ng makakapal na lupa at mga bato.
Lumitaw ang mga labi ng biktima matapos tangayin ng kamakailang pagbaha ang bahagi ng naipong debris sa lugar, dahilan upang tuluyan siyang marekober ng mga responder.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang nawawalang biktima ng parehong landslide na si Rene Ampan Takas, na natabunan din sa Purok Sambato, Barangay San Isidro sa kasagsagan ng lindol.
Ayon sa mga lokal na opisyal at disaster response teams, hindi sila tumitigil sa operasyon at ipinagpapatuloy ang paghahanap kay Takas tuwing pinapahintulutan ng lagay ng panahon at kondisyon ng lupa.