Nanindigan si Presidential Communications Office (PCO) Sec. Dave Gomez na hindi aniya madidiktahan ng mga pekeng balita ang magiging kasaysayan ng Pilipinas.
Matapos ito ng naging pormal na paglagda ni Gomez, kasama sina Department of Justice (DOJ) Sec. Frederick Vida, Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda nitong Lunes, Abril 13, 2026, sa pagsusulong ng kanilang memorandum of agreement (MOA) sa Oplan Kontra Fake News.
Ang Oplan Kontra Fake News ay isang inisyatiba ng pamahalaan upang masugpo ang mga nagkalat na pekeng balita, maling impormasyon, AI-generated fake information, at iba pa sa social media.
Ayon naman sa naging pahayag ni Gomez, sinabi niyang karapat-dapat na mabigyan ng mga wasto at tamang impormasyong paniniwalaan at pagtitiwalaan ang mga Pilipino.
“Filipinos deserve better, they deserve information they can believe and trust,” pagsisimula niya.
Ani Gomez, tinitiyak niyang hindi masasakop ng kasinungalingan ang mga Pilipino.
“Hindi lang ito kasunduan sa papel ito ay matibay na pangako: kailanman, hindi magpapasakop ang mga Pilipino sa kasinungalingan,” aniya.
Nagawa ring paalalahanan ni Gomez ang mga miyembro ng media na mahalaga raw ang tungkulin ng mga ito bilang pangunahing sandata upang malabanan ang paglaganap pa ng pekeng balita.
“To our colleagues in the media, you are not spectators in this part. You are our most important partners,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Your reporting, your verification, your courage… this will be our strongest weapon.”
Pagpapatuloy pa ni Gomez, nangangako raw sila sa pamamagitan ng napagkasunduan nila ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan at hindi madidiktahan ng fake news ang kasaysayan ng bansa.
“As we sign this agreement, let this our share promise, hindi kasinungalingan ang susulat ng ating kinabukasan,” anang kalihim.
“Hindi fake news ang magdidikta ng ating kasaysayan,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagawa na ring magbabala sa publiko ni Gomez na handa umano silang magsampa ng kaso laban sa mga magpapakalat ng fake news sa First Family o sa pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matapos ito sa naging paghahain ng kaso ni Gomez sa tanggapan ng DOJ noong Abril 7, 2026, laban sa mga nasa likod ng isang Facebook page na “Malasakit News Pilipinas.”
Kasunod nito, sinabi naman ni Gomez noong Abril 8, 2026, na ilang ulit nang nilinaw ng pamahalaan na nasa maayos na kondisyon ang Pangulo sa kabila ng kumakalat na mga ulat at espekulasyon sa social media, na may umano'y malalang sakit si PBBM na nasa stage 4 na.
KAUGNAY NA BALITA: Lagot! Mga nagpakalat na may malubhang sakit si PBBM, sasampolan ng Palasyo
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, handang magkaso sa pupuntirya kay PBBM, First Family!